KAMAKALAWA, sinampahan ng P1.560 bilyong plunder case ang mag-amang Vice President Jejomar Binay at incumbent Makati City Mayor Erwin Jejomar Binay.
Kasama rin sa mga inasunto ang mga konsehal ng siyudad sa kasong inihain sa Ombudsman.
‘Yan ay dahil sa kaduda-dudang pagpapagawa ng Makati Parking building na itinuturing ngayong most expensive parking building sa buong bansa.
Mantakin ninyo P1.560-bilyon parking building na ginawa sa loob ng pitong taon?!
What the fact!?
Ayon sa mga complainant na sina Atty. Renato L. Bondal at Ching Enciso, lead convenor ng Save Makati Movement, inakusahan nila ng plunder ang mga opisyal dahil sa kaduda-dudang transaksiyon sa pag-utang sa Land Bank of the Philippines at proseso sa pagpapagawa na umabot nang halos pitong taon gamit ang serye ng mga city council ordinance nang hindi batid ng mga ordinaryong residente ng Makati City.
Ang Makati Parking Building ay 11-storey, 31,928-square meter building na unang pinaglaanan ng P400 bilyon budget ng matandang Binay.
Bukod sa mag-amang Binay, kabilang sa kinasuhan ang mga konsehal na nagsilbi mula 2007 hanggang 2013 na sina Arnold Magpantay; Romeo Medina; Tosca Puno Ramos; Maria Alethea Casal-Uy; Ma. Concepcion Yabut; Virgilio Hilario; Monsour del Rosario; Vince Sese; Nelson Pasia; Salvador Pangilinan; Elias Tolentino; Ruth Tolentino; Henry Jacome; Leo Magpantay; Nemesio “King” Yabut; Armand Padilla; Israel Cruzado; Ma. Theresa De Lara; Angelito Gatchalian at Ernesto Aspillaga.
Kasamang kinasuhan si Cecille Caganan, COA resident auditor dahil sa kabiguan na bantayan nang maayos na proseso ng naturang transaksiyon.
Naniniwala sina Bondal at Enciso na dapat managot ang mag-amang Binay at ang mga konsehal sa nasabing kaso ng pandarambong.
Malinaw umano na kaso ng OVERPRICING ang halagang P1.56 bilyon na mas nararapat na ilaan sa mga batayang serbisyo gaya ng edukasyon, kalusugan at pabahay.
Hindi man tayo bilib kay Binay bilang isang politiko, pero minsan natin siyang hinangaan dahil sa pagmamantina niya ng BINAY POWERS sa Makati City.
Nakabibilib na lahat ng anak niya ay naiupo niya sa ehekutibo at lehislatura.
Isang tunay na huwaran talaga ng political dynasty, ‘di po ba?
Nasalag nila ang maraming pagkondena at black propaganda habang pinagtitibay ang kanilang baluarte sa financial district ng bansa.
Hindi ko inakala na isang araw ay tatamaan sila nang ganito kabigat na kaso.
Sabihin man natin na pamomolitika ang asuntong ito, pero kung mayroong matibay na ebidensiya, ‘e baka dito na ma-swak ang mga Binay.
Parang naririnig na natin ang sinasabi ni Mar Roxas … “Good riddance Jojo B.”
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com