NAKATUTUWANG may isang katulad ni Ma. Sheila B. Ambray, president ng Front Media Entertainment na may malasakit sa showbiz industry. Kaya naman hindi naging mahirap sa kanya para iprodyus ang pelikulang Sundalong Kanin na idinirehe ni Janice O’Hara para sa Cinemalaya Film Festival under the New Breed Category.
Ani Ms. Sheila, fans siya ng mga artista kaya naman madali siyang napa-oo para iprodyus ang Sundalong Kanin na maipalabas sa Cinemalaya ay isasali nila sa iba’t ibang film festival abroad.
Ang Sundalong Kanin ay ukol sa istorya ng apat na batang nakaranas ng World War II. Armado lamang sila ng mga ginawang tirador at baril de pana, pero determinado silang maging sundalo at ipaglaban ng bansa. Ngunit tila minaliit ang kakayahan ng apat na batang ito ng mga guerilla at tinawag silang sundalong kanin na ang ibig sabihin ay hindi naman nakatutulong sa labanan bagkus kumakain lamang ng mga rasyon.
Subalit hindi iyon nakapigil sa mga bata para hindi ipagtanggol ang kanilang bayan. Ang noo’y akala nilang laro lamang ay naging totohanan na bilang isang sundalo na handang proteksiyonan ang bansa laban sa mapang-aping kalaban.
Ang apat na bidang batang aming tinutukoy ay kinabibilangan nina Nathaniel Britt, Isaac Caint Aguirre, Elijah Canlas, at Akira Morishita. Kasama rin dito sina Marc Abaya, Enzo Pineda, Ian de Leon, Via Veloso, Art Acuna, at marami pang iba.
Sa kabilang banda, first indie movie ito ni Enzo kaya naman very thankful siya na makasama rito. “Kasi last year ko pa gustong mag-audition sa Cinemalaya and ngayon lang ako nabigyan ng opportunity para mag-audition,” kuwento ni Enzo nang makausap namin ito sa presscon ng Sundalong Kanin na ginanap sa La Fiesta Restaurant.
Aniya, nag-audition siya at hindi inalintana ang dalawang oras na pagpila para lamang makaganap sa isang pelikula para sa Cinemalaya.
“Kaysa sasabihin mo na hindi ka naman nabigyan ng chances, you get it for yourself na lang kung gusto mo talaga,” paliwanag ni Enzo.
Ginagampanan ni Enzo ang role na isa sa prisoners sa death march na nakatakas at pagkatapos ay sumali sa guerilla at nagbigay ng inspirasyon sa mga bata.
At siyempre hindi matatapos ang pakikipag-usap naming kay Enzo nang hindi natatanong si Louise delos Reyes. Aniya, “Past is past na, tagal na niyon.
“Kung anuman ang nababasa n’yo, siguro ‘yun na ‘yun,” giit ng binata.
At nang tanungin namin kung okey ba naman sila ni Aljur Abrenica (ang sinasabing dahilan ng break up nila ni Louise), tumawa lamang ito at sinabing, “Nagkita kami sa work and parang civil lang and I guess siguro hanggang doon na lang ‘yun.”
At nang tanungin kung paanong civil, “Hindi naman. I just went there for work. Well, wala rin namang kailangang pag-usapan and for me, if its about work, okay lang. And hindi naman ako pumunta roon para makipagkaibigan. It’s for work naman talaga,” pahayag pa ng aktor.
ni Maricris Valdez Nicasio