KAMAKALAWA lubusan nang ipinakita ng mga Manileño na miyembro ng Gabriela Manila ang kanilang pagka-desmaya sa administrasyon ni dating ousted President Erap Estrada.
Bigo sila sa inaasahang si Erap ay maka-mahirap lalo’t isinulong ng kanyang administrasyon ang Ordinance 8331 na nag-amyenda sa Omnibus Revenue Code ng lungsod ng Maynila, nag-uutos na mayroon nang bayad ang serbisyo sa anim na pampublikong ospital sa Maynila — Ospital ng Sampaloc, Gat Andres Bonifacio, Jose Abad Santos Hospital, Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital at ang Ospital ng Tondo.
‘Yan po ‘yung ultimo BULAK na gagamitin sa ano mang procedures ay ipinasasagot na sa mga pasyente o kaanak nila.
Kung noong panahon ni Mayor Fred Lim, parang pasyalan lang ng mga buntis at mga kababaihan na regular na kumukunsulta sa kanilang mga OB-Gyne ang nasabing mga ospital, ngayon ‘e parang ni ayaw nilang sumilip dahil baka ma-disgrasya pa ang pambayad nila ng koryente.
What the fact!
Meron naman daw libre, ia-assess muna umano ng social worker ang pasyente at kapag pumasa sa kanilang pamantayan ‘e saka bibigyan ng ORANGE CARD ni Erap.
Nalilimutan yata ng administrasyon ni Erap na ang KALUSUGAN ay isang universal rights, kaya may pera o wala, hindi dapat itinataboy ng isang ospital ang bawat indibidwal na nangangailangan ng atensiyong medikal.
Dahil sa nasabing Ordinance 8331, ang Maynila ay tila isang lugar sa malayong probinsiya na kapag walang pera ang maysakit ay hihintayin na lamang nila ang oras ng kanilang kamatayan.
Muli na naman nating naririnig ang isang linya sa kantang Monalisa … “They just lie there and they die there …”
‘Yan po ang administrasyong ang sabi … “Erap Para sa Mahirap …” pero sa nangyayari ngayon parang … “Erap Pa-erap sa Mahirap.”
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com