ALAM naman nating lahat na isa ang tensiyon sa Middle East, ang rehiyong sagana sa langis, partikular na ang kaguluhan sa Iraq, sa mga dahilan kung bakit kailangan tanggapin nating mga Pinoy ang taas-presyo sa petrolyo.
At habang patuloy sa pagtaas ang presyo ng gasolina, bagamat hindi consistent base sa galaw nito sa merkado, tumataas naman ang demand para sa mas murang gasolina. Ang demand na ito ay maaaring masukat sa pagiging talamak ng organisadong pagnanakaw ng gasolina mula sa mga barko at barge at maging eroplano.
Mas pinipili ng mga mamimili, lalo na ang gumagamit ng diesel fuel, ang bumili ng mga nakaw na gasolina dahil ‘di hamak na mas mura ito kompara sa nabibili sa mga lehitimong gasolinahan.
Sa salitang kalye, tinatawag din itong “paihi” dahil mistulang ihi ang paglabas ng gasolinang ipinupuslit mula sa tangke.
Mabenta ang paihi sa mga tsuper at operator ng mga pampasadang sasakyan na gumagamit ng diesel, gaya ng mga bus, jeepney at tricycle.
Isang halimbawa na lang ang blockbuster na bentahan ng tinging gasolina sa mga highway sa Bataan at Pampanga. Gaya ng nabanggit ko sa kolum na ito noong Huwebes, hindi lang ito basta small-time na operasyon ng mga small-time rin na kriminal na gusto ng instant na kita sa pagnanakaw ng gasolina o diesel. Sa loob ng maraming taon, isa na itong malawakang operasyon ng isang grupo ng mga sindikato na, gaya ng mga Italian mafia, ay bumuo ng samahan ng mga lider-kriminal.
Kinompirma ng mga espiya sa Philippine Coast Guard (PCG) ang impormasyon mula sa mga source ng pulisya at Department of Energy (DoE), ninanakaw ng mga grupong ito ang diesel mula sa mga barkong nakadaong sa mga pantalan. Kadalasang kasabwat nila ang mga transporter at mga security guard sa mga barko, barge at depot.
Ang pagdating ng mga barko o barge ay itini-tip sa sindikato. Maingat itong lalapitan ng mga bangka na mayroong storage tank at pasimpleng magpapaihi ng diesel. Pagkatapos ay babalik na sa port ang mga bangka para isalin ang ninakaw na gasolina sa mga tanker na magbebenta nito nang kada litro sa presyong tingi.
Ganito rin ang mafia ng paihi sa Region 3, ayon sa mga source. May 10 natukoy na miyembro nito sa Bataan at Pampanga.
Kinilala sila ng mga espiya mula sa tatlong ahensiya ng gobyerno sa kanilang mga alyas: si Lito, ang pinakamalaking operator sa buong Bataan at sa San Simon, Pampanga; si Malyn, na may gasolinahan sa Orani, Bataan; si Norma sa Orion; sina Pedro at Bogs Toyo, na kapwa taga-Limay; isang Jovy at si Suya, ng Bataan; si Rudy sa San Simon; sina Rose at Roy, parehong mula sa Minalin; si Baby sa Sto. Domingo; at si Rey sa Bacolor, pawang sa Pampanga.
Binanggit din ng police sources ang isang “Mike Berdugo” na siyang tumatanggap ng lingguhang padulas na pera mula sa “Association” sa ngalan umano ng ilang opisyal ng Region 3 police, Bataan police, Maritime police at PCG. Ito ang sinasabing dahilan kaya naman walang takot ang operasyon ng mga sindikatong ito.
Dapat magpaliwanag ang awtoridad sa publiko o kumilos laban sa “Association.” Ito ang dapat gawin nina Senior Superintendent Audie Atienza, Bataan police chief; Senior Supt. Marlon Madrid, Pampanga police director; at Commander Ernesto Nunez, Bataan PCG station chief.
PAIHI RIN SA CAVITE
Pero hindi lang sa Region 3 may paihi. Dahil may kani-kanyang grupo ng paihi sa Cavite at Metro Manila.
Sa Cavite, isang “Violago” ang umano’y nangangasiwa sa nasabing negosyo sa buong probinsiya, habang isang “Amang” naman ang umano’y nakatoka sa Carmona.
Kay Senior Supt. Joselito Esquivel, Cavite police chief: Sir, pakiimbestigahan, paki-aresto at pakikasuhan naman po ng qualified theft ang mga taong ‘yan dahil sa pagsabotahe sa ekonomiya at sa paglabag sa anti-fencing law.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.