DALAWANG dokumento po ang ating natanggap kaugnay ng malalang problema sa Quezon Metro Water District (QMWD), minabuti po nating ilathala ang dalawa para sa kabatiran ng madla at ng mga kinauukulang awtoridad.
Sa ating palagay, panahon na po para resolbahin ang problemang ito dahil nahihirapan na ang mga taga-Quezon.
Narito po:
Direktor Siony J. Alcala
Direktor Vicente Joyas
Direktor Walfredo Sumilang
Direktor Avelino Andal
Quezon Metro Water District Red V,
Lucena City
Mga Kagalang-galang na direktor,
Hindi ko po alam kung nalalaman na ninyo ang mga bagay na napapansin nang marami hinggil sa Lupata. Baka po kasi ang nalalaman ninyo ay kung ano lamang ang nais na ipaalam sa inyo ng nanamahala sa water district na si Mr. Enrico Pasumbal kaya minabuti ko po, hindi man karapat-dapat na kahit isang ordinaryong kawani nitong Lupata na kayo po’y mapaabutan ng impormasyon kalakip nito.
Hindi po ako nagbibintang at marahil mula sa mga dokumentong nakakabit sa sulat na ito ay maisip ninyong tingnan at alamin kung may katotohanan ang hindi ordinaryong overpricing ng mga kontrata at kagamitan na pinapasok at binibili ng Lupata kung kaya’t dahil sa laki ng napupunta sa bulsa ng general manager at mga kasabwat sa loob isa na marahil ang chairman ng board ay napipilitang mangutang daan-daang milyon sa mga banko.
Baon sa utang ang Lupata na lampas sa kalahating bilyon at nitong Bagong Taon ay nagtaas pa ng singil sa tubig. Alam po ba ninyo na ang production drilling contract na ipinagkaloob sa kompanyang Alianz Industrial para sa 4 na wells ay umabot ng mahigit P47-M samantala magagawa ito ng hindi kakutsabang kontraktor sa halagang aabot lamang sa P14 milyon.
Tingnan din po ninyo ang presyo ng motor at bomba na kasama sa kontrata. Sa distributor po ay P373,845.00 lang ang isang set ng kaparehong Caprari motor at Franklin pump ngunit sa kontrata po ay P1.8 milyon. Hindi po ba parang bumili na ang Lupata ng halos ay 5 sets nito para sa 5 well na mapagkukunan ng tubig at lubhang ginhawa para sa bayan?
Hindi po ba nakatipid sana ang Lupata ng hindi kukulangin sa P33M sa drilling contract? Kung hindi po overpriced ang kontrata na ginawa ni Mr. Pasumbal, ang P47M po sana ay nakagawa ng 14 na production well sa halip na 4 lamang.
Kung ganito po ang nangyari, hindi po ba napakalaking ginhawa ang nagawa para sa mamamayan ng Tayabas, Pagbilao at Lucena? Kung wala pong katiwalian sa kontrata, baka po sa halip na nagtaas ng singil ay nagbaba pa ng taripa ang Lupata, ano po?
Nagtaas po kayo ng singil pero papatak-patak ang tulo ng tubig sa 2 lunsod at 1 bayan. Sana po ay magising kayo sa katotohanan at baka wala kayong kamalay-malay, ginagamit lamang kayo sa pag-aapruba ng mga overprice na kontrata. Kung hindi po kayo ginagamit, hindi po kaya kayo kasabwat din. Kung hindi po kayo kaalam ay makikita po iyan sa magiging reaksyon ninyo sa sulat na ito.
Malaking katanungan po kung napakitaan kayo ng mga bidding documents, tama po ba? Hindi po malayo na sa darating na mga araw ay nasa kamay na rin ng media ang kopya ng sulat ko po na ito sa inyo.
Salamat po sa inyo, sa inyong panahon at kaukulang aksyon. – Concerned Employee
P.S.
Hindi po mahalaga kung sino ang sumulat, kung saan nanggaling. Ang mahalaga po’y alamin ninyo ang katotohanan sa likod ng mga presyo at kontrata, mas mainam po na sa ibang supplier at kontratista na kayo magtanong kung duda po kayo sa nakalakip na dokumento.
PASUMBAL, PINATATALSIK NA SA QMWD?!
WALANG dahilan upang manatili ni isang sandali sa kapangyarihan ang extended general manager na si Enrico Pasumbal sa Quezon Metro Water District.
Umabot na sa 40 taon sa puesto si Pasumbal. Sa kabila ng malaking kita ng water district higit pang nagtaas ang water rates, walang tubig sa malaking bahagi ng Lucena, Tayabas at Pagbilao. Marami na ang tao’t pamilya na napipilitang magising sa madaling araw at dis-oras ng gabi upang mag-ipon ng tubig. Mismong sa gitnang lungsod at bayan kung saan nakasentro ang mga negosyo, kapos din sa tubig na lubhang kailangan upang maging maganda ang hanapbuhay. Nangutang nang mahigit kalahating bilyon ang QMWD ngunit walang naging improvement sa serbisyo ng QMWD.
Ngayon, nangungutang na naman ng P135-M sa DBP. Hindi nagkaigi ang mahigit kalahating bilyong inutang, ang dagdag na P135-M pa kaya?
Sa kabila ng lantad na usapan hinggil sa mga katiwalian, overpricing ng mga kontrata, kawalan ng transparency sa bidding (kung meron man), sa QMWD, bakit tameme ang Board?
Kasabwat ba sila o hindi? Kung hindi, bakit nananahimik kayo? Nagretiro na sana si Ginoong Pasumbal, isang hindi lisensyadong enhinyero, noong Disyembre 13, 2013, dapat napalitan ng isang mahusay at tapat na manager ngunit ini-extend pa ng Board kahit na walang basehan, kahit na walang anumang performance rating, kahit lampas na sa takdang panahon para magharap ng extension.
Tao-tao lang ba ni Pasumbal ang Board? O hindi ginagawa ng Board ang kanilang trabaho? May salary increase kahit walang performance rating si Pasumbal sa loob ng mahigit na 10 taon bilang general manager. Ilang beses nang itinaas ang sahod at ngayon ay tumatanggap ng mahigit P100 libo kasama ang mga allowances at RATA.
Mayaman na si Pasumbal dahil din sa overpricing sa mga kontrata. Walang kontrata ang mga pagawaing deepwell sa Domoit at Ibabang Dupay. Bakit, sarili po bang pera ni Pasumbal ang ginagastos o pera nating mga consumer.
Alam ba ng Board ‘yan? Walang pagkakataon ang ibang negosyante sa lunsod ng Lucena at puro kakutsaba lang ang may negosyo sa QMWD. Tulad ng gasolina, ang Petron na pag-aari lang ni Licardo sa Gulang-gulang ang may monopolyo sa kontrata. Pati security agency at laboratoryo para sa empleado, walang bidding pero may kontrata. Libre ang Montero na pribado ang plaka, ni Ginoong Pasumbal, walang marka na for official use only, libre gasolina, driver at meals kahit Sabado at Linggo sa palagiang pagyayaot ng Sariaya at Naga City na kinaroroonan ng kanyang tsitsing.
Malubhang krisis sa tubig, bulok, tiwali at abusadong general manager. Walang naipakitang pagmamalasakit sa ating mga consumer sa mahabang panahon, walang silbi, inutil at manhid na na management.
SIGAW NATIN , SIGAW NG BAYAN, mga miembro ng Board, gumising po kayo, maawa po kayo sa amin, sa aming pamilya, sa ating bayan, patalsikin na po si G. Pasumbal, ngayon na po!
Governor Jayjay Suarez, Mayor Alcala, Mayor Silang at Mayor Palicpic, tulungan po ninyo kami. Tama na, sobra na! Palayasin na po si Pasumbal! Palitan po ng karapat-dapat.
– Tubig ang Buhay Movement
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com