ANG bagsik talaga ng ‘kamandag’ ng damuhong tinaguriang ‘pork scam queen’ na si Janet Napoles dahil pati ang kontrobersyal na “disbursement accelerated program (DAP)” ay hindi raw pinaligtas.
Mantakin ninyong naiulat, ayon sa records ng whistleblower na si Benhur Luy ay nakatanggap umano ng daan-daang milyon si Napoles sa DAP na inilaan ng Malacañang para sa limang Senador.
Ang tatlo sa kanila ay sina Sens. Bong Revilla, Jinggoy Estrada at Juan Ponce-Enrile na nahaharap na sa mga kasong plunder at graft sa Sandiganbayan dahil sa pakikipagsabwatan umano kay Napoles sa pork barrel scam.
Ang dalawang senador na nadagdag at naugnay sa DAP scam ni Napoles ay sina Sens. Bongbong Marcos at Tito Sotto.
Sa kabuuan, ang DAP daw nina Revilla, Estrada at Marcos ay tig-P100 milyon; si Sotto, P70 milyon; at si Enrile, P55 milyon.
Idinaan daw ng limang senador ang kanilang DAP sa National Livelihood Development Center (NLDC) at nagtalaga ng mga non-government organization (NGO) na magpapatupad sa mga proyekto na pinondohan ng kanilang DAP.
Ang matindi, mga pekeng NGO pa rin ni Napoles ang kanilang pinili para magpatupad ng kanilang mga proyekto. Ganyan ba katindi ang ‘asim’ ni Napoles sa ating mga mambabatas kaya pork barrel man o DAP ay siya at ang kanyang mga pekeng NGO pa rin ang nakikinabang?
Tulad nang dati, tumanggi ang mga senador at muling lumutang ang walang kamatayang katwiran na pineke raw ang kanilang mga pirma.
Sa oras na busisiin ito nang husto, mga mare at pare ko, lalabas ang katotohanan kung sabit nga sila o hindi sa iregularidad na ito.
Kalkalin!
***
MALINIS ang hangarin ng DAP dahil binuo ito ng administrasyong Aquino upang mapabilis ang gastusin sa mga proyekto ng gobyerno at mapabilis din ang paglago ng ekonomiya.
Ganu’n pa man ay idineklara ng Supreme Court na ‘unconstitutional’ ang ilang bahagi ng DAP noong Martes kaya may mga humihirit na panagutin ang mga nasa likod ng DAP.
Ayon kay Sen. Miriam Defensor-Santiago, ang mga tumanggap ng pondong DAP kabilang na sina Budget Sec. Florencio Abad at ang 20 senador ay dapat sampahan ng kasong kriminal at sibil para mabawi ng gobyerno ang P1.1 bilyon na ini-release sa programa.
Dapat magbitiw na rin daw si Abad sa puwesto.
Alalahanin sana natin na bagama’t idineklarang unconstitutional ang DAP ay walang sinabi ang Supreme Court na may naganap na iregularidad sa programa.
In fact, kinilala ng SC sa kanilang desisyon na positibo ang resulta nito na nagpalakas sa ekonomiya ng bansa.
Tulad ng ibang mga proyekto, dapat matukoy kung may mga damuhong umabuso at nagsamantala sa pondo at kung mayroon man, mapanagot ang mga hayup na ‘yan.
Sumunod sa batas at mga patakaran ang Executive branch nang ipatupad nila ang DAP.
Dapat ba silang madamay, mga mare at pare ko, kung sakaling may mga buwayang mambabatas
na gumawa ng kagaguhan sa pondo para sa pansarili nilang pakinabangan?
Sagutin!
Ruther D. Batuigas