SERYOSONG problema ang pagnanakaw ng krudo na dapat aksiyonan ng gobyerno. Hindi lang ito isang krimen kundi panganib sa buhay, ari-arian at maging sa kalikasan.
Ginagawa nang mabilisan at pabara-bara ng magkakasabwat sa pagnanakaw, maaari itong mauwi sa pagsabog o sa sunog na makamamatay ng tao o makatutupok ng mga gusali, bahay at sasakyan.
Sa salitang kalye, tinatawag din itong ‘paihi,’ dahil mistulang ihi ang paglabas ng krudong ipinupuslit mula sa tangke.
Pangunahing biktima ng mga krimeng gaya nito ang mga may-ari ng mga airline at shipping company, at maging ang mga may-ari ng mga sasakyang bumibiyahe sa lansangan.
Ang paihi ay hindi lamang isang maliit na operasyon na ginagawa ng mga small-time na magnanakaw na gusto ng instant na kita sa pagnanakaw ng gasolina o diesel. Sa loob ng maraming taon, isa itong malawakang operasyon ng isang grupo ng sindikato na gaya ng mga Italian mafia ay bumuo ng samahan ng mga lider-kriminal. Gaya sa India, malawakan na rin ang operasyong ito sa bansa.
Ayon sa mga source mula sa pulisya at Department of Energy (DoE), kadalasang nagnanakaw ang mga gang ng krudo mula sa mga barkong nakadaong sa mga port. Karaniwan nang kasabwat nila ang mga transporter at security guard sa mga barko, barge o depot.
Sa mga barko o barge, itini-tip sa sindikato kapag dumating na. Maingat itong lalapitan ng mga bangka na mayroong storage tank at pasimpleng magpapaihi ng diesel. Pagkatapos ay babalik na sa port ang mga bangka para isalin ang ninakaw na gasolina sa mga tanker na magbebenta nito nang kada litro sa presyong tingi.
Ganito rin ang mafia ng paihi sa Region 3, ayon sa mga source. May 10 natukoy na miyembro nito sa Bataan at Pampanga.
Kinilala sila ng aking mga espiya sa kanilang mga alyas: si Lito at Mel Santos ang pinakamalaking operator sa buong Bataan at sa San Simon, Pampanga; si Malyn, na may gasolinahan sa Orani, Bataan; isang Jovy at si Suya, kapwa taga-Bataan; si Rudy sa San Simon; sina Rose at Roy, parehong mula sa Minalin; si Baby sa Sto. Domingo; at si Rey sa Bacolor, pawang sa Pampanga.
Dagdag ng aking mga espiya, isang pulis na tinatawag na “Mike” ang tumatanggap ng protection money mula sa “Association” sa ngalan ng ilang opisyal ng Bataan police.
May isa pang gang na may kaparehong modus operandi sa Navotas Fishport. Pinopondohan umano ito ng isang “Boy Palawan” at pinangangasiwaan ng isang “Dodong.”
Kina Senior Superintendent Audie Atienza, Bataan police chief; Senior Supt. Marlon Madrid, Pampanga police director; at Chief Supt. Bay Layon, Northern Police District director: Dapat na maaresto at makasuhan ng qualified theft na may kinalaman sa economic sabotage at paglabag sa anti-fencing law ang nasabing mga gang.
Pero sa ngayon, habang nagsisikap ang mga law enforcement agency at ang DoE na aksiyonan ang bantang ito sa lipunan, dapat doble-ingat ang mga negosyante sa pamamagitan ng pag-i-invest sa mga fuel flow meter o tracking systems na nagmo-monitor sa paggamit ng gasolina sa pagtukoy sa distansiyang pinaggamitan ng gasolina.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.