NALULUNGKOT man si Julia Barretto dahil hanggang ngayong linggo na lamang mapapanood ang kanyang top-rating fantaserye na Mira Bella, masasabing may napatunayan na siya.
Paano’y consistent na mataas at maganda ang rating ng kanyang fantaserye. Tulad ng nakuha naming rating mula sa Kantar Media noong Lunes base sa TNS/National ratings, mayroong rating na 21.8 percent ang Mirabella laban sa katapat nito na MyBFF na mayroon lamang 11.0 percent. Partida pa ‘yan, pilot episode pa ng MyBFF pero hindi bumitiw ang manonood sa Mirabella.
Patunay na interesting ang itinatakbo ng istorya ng Mirabella kaya’t hindi maiwanan ng televiewers.
Sa kabilang banda, kagandahan ng kalooban ang pananaigin ng karakter ni Julia sa pagtatapos ng Mirabella ngayong Biyernes (Hulyo 4). Mas iinit ang mga tagpo rito ngayong mapatutunayan na sa lahat na si Mira (Julia) ay tunay na anak ni Alfred (James Blanco). Kung paano aayusin ni Mira ang problema ng kanyang pamilya ang siyang matutunghayan ngayong patuloy pa rin ang masasamang plano nina Olive (Mylene Dizon) at Iris (Mika dela Cruz) laban sa kanya.
Maituturo kaya sa mga ito ang importansiya ng kabutihan ng isang tao kaysa panlabas na kaanyuan? Sa huli, sino nga ba ang makapag-aalis ng sumpang namana ni Mira (Julia) kay Daisy (Dimples Romana)—si Alfred na naging dahilan ng kanyang paghihiganti, o ang tunay na umiibig sa kanya na si Jeremy (Enrique Gil)?
Ang Mirabella ay idinidirehe nina Erick Salud, Jojo Saguin, at Jerome Pobocan, at produksiyon ng Dreamscape Entertainment Television. Kaya huwag bibitaw ngayong linggo sa The Beautiful Ending ng Mirabella.