NANANATILING misteryo kung bakit tinanggal ni Pangulong Aquino, ang huling signatory sa shortlist ng mga personalidad na gagawaran ngayong taon ng titulong “National Artist,” ang award-winning actress at movie icon na si Nora Aunor mula sa listahan.
Siguro “Vilmanian” si PNoy, ayon sa mga kritiko.
Noong mga huling bahagi ng ‘60s at ‘70s, ang movie fans sa bansa ay nahahati sa dalawang pangunahing paksiyon—ang “Noranians” (fans ni Nora Aunor) at “Vilmanians” (mga tagasuporta ni Vilma Santos).
Ang biruan ngayon, si Ate Vi, na kasalukuyang gobernador ng Batangas, ay miyembro ng partido politikal ni PNoy—ang Liberal Party—simula nang umalis siya sa Lakas-NUCD noong 2009. Sasama raw ang loob ni Ate Vi sa Pangulo kung ibibigay ang nasabing pagkilala kay Ate Guy.
Pero agad na pinabulaanan ang napabalitang may kinalaman ang presidential sister na si Kris Aquino sa kontrobersiya.
Seriously, may suspetsa akong ang pagkakatanggal niya sa listahan ay may kinalaman sa makulay na nakaraan ni La Aunor, gaya ng naging problema niya sa droga at sa buwis.
Totoo man o hindi, dapat lang ipaliwanag sa publiko ng mga tagapagsalita ng Palasyo o mismong si PNoy ang dahilan kung bakit naitsapuwera si Nora. Naniniwala akong karapatan itong malaman hindi lang ng mga Pinoy kundi maging ng mga Noranian at ng grupo ng mga artist na nakibahagi sa mabusising selection process.
Pagkatapos nito, tsaka pa lang muling maibubulalas ng fans ni Nora ang sikat na linya niya sa pelikula: “Walang Himala!”
LOTTENG SA QC AT MANDALUYONG
Mula sa buhay-pelikula, lipat naman tayo sa tunay na buhay ng kriminalidad.
Patuloy na namamayagpag ang ilegal na sugal, partikular ang lotteng (lotto-jueteng), sa Quezon City at Mandaluyong City.
Sa lotto ng gobyerno ay tinatayaan ang anim na numerong kombinasyon sa P20. Sa lotteng, pumipili ang bettor ng 12-number combination sa tayang P10. Ang numerong nananalo sa lotteng ay nakabase sa naibolang kombinasyon sa Lotto. Kaya naman mas malaki ang tsansang manalo sa lotteng kahit na mas mura naman ang premyo rito.
Ibinulong ng aking mga espiya na ang pinakamalaking operasyon ng lotteng sa QC ay hawak ng isang “Lito Motor” na ang ilegal na negosyo ay matatagpuan sa Murphy district.
Si Lito ay mayroon umanong tatlong pangunahing “kabo” (bisor ng mga kolektor), na sina “Jun Mata” na may grupo ng mga kolektor na nagkalat sa 20th Avenue; “Jun Bulag” na bossing ng mga kolektor sa Murphy area, parehong nasa hurisdiksiyon ng QCPD Station 8; at isang “Gregson” na nangangasiwa sa mga nakolektang taya sa Banawe area na nasasakupan ng QCPD Station 11.
Sa Mandaluyong, isang opisyal ng barangay na tawagin nating “Kapitan Dodo” ang kumokontrol sa lotteng operation sa lungsod. Nakabase sa Pinatubo Street, humahakot siya ng kabuuang koleksiyon na P400,000 sa kada bola.
Dapat nang tuldukan ng pulisya ng QC at Mandaluyong ang mga kabuktutang ito sa lipunan.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.