HINDI natin maintindihan ang kultura ng ilang fraternity group … kung kailan tumataas ang kanilang pinag-aralan ‘e saka naman nagiging barbariko ang kanilang paniniwala.
Gaya na naman ng isang kaso ng hazing na ikinamatay ng De La Salle College of St. Benilde HRM student na si Guillo Cesar Servando, 18 anyos.
Si Servando sinabing namatay sa grabeng pambubugbog ng mga kapwa miyembro ng Alpha Kappa Rho (AKRHO) Fraternity sa isang initiation rites habang ang tatlo pa nilang miyembro ay kritikal naman at kasalukuyang naka-confine sa Philippine General Hospital.
Nakita natin ang pinsala kay Servando at sa kanyang mga kasamahan. Ang pangingitim at pamamaga ng mga bahagi ng kanilang katawan na tila walang sawang binalik-balikan ng mga palo ng paddle.
‘Yan ba ang tinatawag n’yong kapatiran!?
Naalala pa ng inyong lingkod noong panahon na tayo’y isang estudyante sa University of the East (UE), hindi lang tayo ilang beses binalik-balikan ng kanilang mga recruiter. Talagang makukulit sila at kapag tinanggihan ‘e iha-harass ka pa.
Kahit kailan, sa aking buhay-akademiko ay hindi ako nakombinsi na sumali sa mga fraternity dahil hindi ako naniniwala na ang pananakit ay magbubunga ng mahigpit na kapatiran sa hanay ng mga kabataang estudyante.
Hindi ba pwedeng maging mahigpit ang kapatiran kung walang pananakit na magaganap?!
Sa totoo lang, noong panahon namin, isa ‘yang AKRHO sa mga kinatatakutang fraternity na mahigpit na kalaban ng Scout Royal Brothers.
Sa aking personal na pananaw, wasto lang na i-BAN sa mga paaralan ang isang fraternity na hindi na naglilingkod sa tunay na layunin nito.
Huwag na natin paramihin ang mga estuyanteng may naghihintay na magandang kinabukasan pero nasasadlak sa kamatayan dahil lamang sa walang kakwenta-kwentang HAZING!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com