KUNG ayaw ninyong sumakit ang ulo ninyo, take it straight from the horse’s mouth … “huwag na huwag po kayong bibili ng LG Aircon.”
Nakaraang Mayo 25 (2014), bumili po ang inyong lingkod ng LG Air-conditioning unit, inverter 2.5 hp, split type sa halagang P50,000.
Mayo 28 nang ikabit ng authorized technician ng LG na ang bayad sa serbisyo ay P5,300.
Ang pangalan ng kompanya na accredited daw ng LG ay Mac Ref & Aircons SVCS na may opisina sa 1218 Antipolo St., Sampalaoc, Maynila. Sila lang daw ang pwedeng magkabit ng LG products at wala nang iba.
Heto na, Hunyo 19, wala pang isang buwan na naikakabit ang air-conditioning unit ‘e sira na ‘yung LG Aircon. Brand new po iyan.
Hunyo 23, dumating ang technician ng Mac, mayroon daw sirang piyesa sa loob.
SONABAGAN!
Brand new?! Sira agad ang piyesa sa loob?
Dahil naniniwala tayo sa kasabihang, “Customer is always right,” nag-demand ako na palitan ang unit pero hindi raw pwede. Ang pwede lang daw ay ipaayos.
Muling bumalik noong Hunyo 26. Medyo natagalan daw dahil inorder pa ang piyesa.
Anak ng tungaw talaga!
Nang ikinakabit na, mali raw pala ‘yung piyesa. Hindi raw pala ‘yun ang sira.
Kinabukasan Hunyo 27 bumalik na naman ang Mac technician.
Salamat sa Diyos at naayos rin.
Nagpapasalamat talaga tayo na naayos rin pagkatapos ng halos sampung (10) araw na nakitulog ako sa kwarto ng anak ko para makatulog nang komportable.
Pero ang tanong natin na hindi masagot-sagot ng LG ‘e bakit sira agad ang air-conditioning unit na binili sa kanila?
Wala ba silang garantiyang maibigay sa customer na walang diperensiya ang mga brand new appliances nila?!
Kung ayaw po ninyong maranasan ang sakit ng ulo na naranasan ng inyong lingkod, HUWAG na HUWAG po kayong bibili ng LG appliances lalo na ng air-conditioning unit!
‘Yun lang po!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com