NAALALA ko ang lyrics sa kantang bahay ni Gary Granada … “pinagtagpi-tagping basura, pinatungan ng bato … hindi ko maintindihan bakit ang tawag sa ganito ay bahay.”
Dito naman sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 … “tumutulong kisame na sinasahod ng timba at flower pot, kapag umuulan tiyak na ika’y mababasa at madudulas pa… hindi ko maintindihan kung bakit ang tawag sa ganito ay international airport …”
Gusto ko lang pong patawanin kahit konti ang mga nabubwisit na pasahero sa NAIA terminal 2.
Pero sa totoo lang po, hindi po talaga nakatutuwa, nakapupundi at talagang nakauubos ng pasensiya.
Mantakin ninyo, nang bumiyahe ang pasahero patungong Airport ‘e safe na safe sa kanyang sasakyan at hindi man lang nabasa hanggang sa entrance ng Terminal 2 pero nang pumasok sa loob, doon napatakan ng ulan?!
SONABAGAN!
Ang katwiran ng napakagaling mag-rason na si Terminal 2 manager, Atty. Cecilio Bobila ‘e hindi pa raw tapos ang WATER PROOFING.
Anak ng teteng, ang haba ng SUMMER, ni hindi man lang natapos ‘yang water proofing na ‘yan?!
Hindi ba naisip ni Bobila na hindi lang 1000 pasahero ang umaalis at dumarating d’yan araw-araw sa Terminal 2?! Hindi lang mga Pinoy kundi mga dayuhan mula sa iba’t ibang nasyon.
Tapos ‘yun lang ang ikakatwiran niya, hindi pa tapos ang water proofing?!
Akala yata ni Bobila, pangalan at mukha lang niya ang nakasalang d’yan sa NAIA Terminal 2.
Atty. Bobila, international airport po ‘yan, buong Philippines my Philippines ang napupulaan at nasasalang dahil sa kapabayaan ninyo.
‘E hanggang ngayon nga parang pugon pa rin sa loob ng Terminal 2, di po ba!?
Atty. Bobila, kaya mo ba talaga maging terminal manager?
GM Bodet Honrado, Sir, mukhang kailangan mong dagdagan ang tao mo d’yan sa Administration Building.
Ihanap n’yo na nga ng pwesto d’yan si Atty. Bobila.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com