ANO kaya kung isang araw ‘e mawala ang mga mambabatas sa ating lipunan? Magkaroon kaya ng katahimikan ang ating bayan?
Wish lang ng inyong lingkod lalo na kung ang mga mambabatas natin ‘e walang alam gawin kundi pagastusin ang bayan sa pamamagitan ng mga panukalang batas na walang lohika at sabi nga ‘e mukhang masabi lang na hindi nagbubutas ng bangko sa Kamara.
Gaya nitong sina Rep. Nelson “Sonny” Collantes at Rep. Lucy Torres, mantakin ninyong magpanukala na bawal na raw ang mag-ipon ng barya at ‘yung isa naman ay gawin daw “No Busina Day” ang araw ng Linggo?
Wala na ba kayong maisip na mas masustansiyang batas na hindi sasayangin ang kwartang ilalaan para sa deliberasyon ng batas na ‘yan na alam naman ninyong walang kakwenta-kwenta?!
Aba Congresswoman Lucy Torres, ‘yang House Bill 4542 ninyo na gagastusan ng kulang P2 milyon kapag tinalakay sa Kamara ‘e pwede nang barangay resolution lang ‘yan.
Habang ‘yang House Bill 4411 n’yo naman Congressman Collantes ‘e impraktikal lalo na kung babalikan ninyo ang tradisyon ng pag-iimpok nating mga Pinoy.
Parang hindi ka naman Batangeño sa asal mong ‘yan.
Nalimutan mo na ba kung ano ang itinuturo ng kulturang bumbong na kawayan?
Hindi ba’t d’yan nag-uumpisa ang disiplina sa pag-iimpok ng mga kabataang Pinoy?
Mga barya-barya ‘yan na naisusubi … buti sana kung papayag ang banko na magdesposito sa kanila kahit piso.
Hindi ang pag-iipon ng barya ng ordinaryong mamamayan ang dahilan ng kakulangan nito sa sirkulasyon. Mas malalim po ang dahilan n’yan Congressman Collantes.
Ang kakulangan ng salapi sa sirkulasyon, barya man yan o salaping papel, ibig sabihin may problema sa ekonomiya ang isang bansa …
Bakit hindi ninyo pagtuunan ng pansin ang sandamakmak na money launderer sa iba’t ibang Casino? Baka isa sila sa dahilan kung bakit nababawasan ang sirkulasyon ng ating salapi.
Higit sa lahat, mga kagalang-galang na mambubutas este Mambabatas, huwag ninyong lustayin ang pera ng bayan sa pamamagitan ng mga panukalang batas na halatang-halata naman na ginagamit n’yo lang para magpa-pansin.
‘Yun ‘yon ‘e!
MATAAS NA MULTA LANG PALA ANG MAGPAPATIKLOP SA KOLORUM NA PUVs
‘Yun naman pala.
Meron naman palang ‘guts’ ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magpatupad ng isang kautusan na magpapatiklop sa sandamakmak na kolorum na naglisaw sa mga pangunahing kalye at kahit mismo sa national highways.
Mantakin ninyo biglang lumuwag ang kalye nang magsitiklop ang mga kolorum?
Ibig sabihin ba n’yan na halos 50 porsiyento o higit pa ng mga namamasaherong PUVs sa kalye ay kolorum?
E bakit nga ba dumating sa panahon na lumaki ang bilang ng mga kolorum sa kalye?
Hindi ba’t nagsuspendi sa pag-iisyu ng prangkisa ang LTFRB dahil hindi na makontrol ang pagpasok ng mga sasakyan sa bansa, bago man ‘yan o second hand?!
‘Yan ang lagi nating sinasabi, kapos sa foresight ang mga inaasahan nating opisyal ng gobyerno na nakatoka sa kanilang mga gawain.
Hindi natin maituring na technocrat ang mga Gabinete sa gobyerno dahil para silang mga ‘laborer.’ Gumagawa sila sa loob ng isang araw para sabihin lang na nagtatrabaho sila.
Buti pa nga ang mga laborer o piece rate worker, may kongkretong produksiyon bawat araw.
‘Yung mga Gabinete sa gobyerno, namamalayan na lang nila na patong-patong na ang backlog nila.
Ang pagdami ng mga kolorum na PUVs ay hindi lamang ‘gawa’ ng matatapang lumabag sa batas … tuwiran man o hindi tuwiran … kasabwat dito ang mga pabayang opisyal ng pamahalaan.
Take note … Department of Transportations and Communications (DoTC) secreatry!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com