WALA raw VIP treatment at lalong wala raw kakaiba sa pagkukulungan sa tatlong senador na akusadong mandarambong — na sina Senators Juan “Tanda” Ponce Enrile, Bong “Pogi” Revilla at Jinggoy “Sexy” Estrada.
‘Yan ang sabi ni PNP spokesman, Gen. Theodore Sindac sa mga taga-media nang ipresenta ang pagkukulungan sa tatlong (3) pork senators.
Wala raw aircon, bentilador lang. No gadgets.
Pero napansin lang natin na bagong bili ang double deck na kama (mukhang Salem pa ‘yung kutson ayaw ng Uratex) — bakit hindi tarima?
Bago ang banyo, meron pang shower at bidet.
Hindi na ba marunong gumamit ng tabo at timba ang mga nagpapasasa sa kwarta ng bayan?!
Kung hindi po tayo ngakakamali, ‘yang lugar na paglalagyan sa tatlong akusadong plunderer ay ‘yung PNP custodial center sa Camp Crame na dati nang pinagdadalhan sa mga tinatawag na terorista, mga mutineers at iba pang asunto na may kinalaman sa pagbabanta sa seguridad ng bansa.
Naalala ko pa nang ako’y ilang beses mapunta sa lugar na ‘yan kasama ang kaibigan kong si Mr. Jerome Tang para dalawin si Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV at Gen. Danny Lim.
Pagpasok na pagpasok natin ay naramdaman agad natin ang init ng kapaligiran.
Isang ordinaryong detention center talaga. Ang pinakapribilehiyo lang ng mga nakapiit doon ay magdagdag ng bentilador.
Pero nang makita natin sa telebisyon ang ipinakita ni Gen. Theodore Sindac na pagkukulungan ng tatlong akusado sa plunder aba ‘e ibang-ibang ang itsura noong si Sen. Trillanes at Gen. Lim ang naka-detain doon.
Hindi pa ba espesyal ‘yang itsura na ‘yan?
Kakaibang-kakaiba sa bansang Taiwan, nang nililitis sa kasong bribery at corruption ang dating Presidente na si Chen Sui Bian ay inilagay na agad siya sa regular jail at naka-unipormeng preso pa.
Ngayon ay pinagsisilbihan niya ang sentensiyang 20-taon pagkakabilanggo mula sa dating life sentence.
Walang espesyal na trato sa kanya kahit siya pa ang dating Presidente ng Taiwan.
Dito sa ating bansa ay kakaiba talaga, hintayin natin ang sandali na biglang magkakasakit ang tatlong ‘yan at biglang magpa-hospital arrest hanggang maging house arrest.
At hindi po ‘yan kataka-taka sa Philippines my Philippines.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com