SA loob ng ilang dekadang, pinagtiyagaan at pinagsumikapang pasiglahin ng maliliit na komersiyante sa Tayabas, Quezon ang kalakalan at ekonomiya ng makasaysayang lalawigan sila ngayon ay parang basurang itinataboy mismo ng kanilang local government.
‘Yan po ang hinaing ng mga nagrereklamong komersiyante na sapilitang pinaaalis at itinataboy ng Tayabas LGU sa pwestong ilang dekada na nilang inookupahan.
Totoong pag-aari ng gobyerno ang nasabing solar sa Panadare St., hangang Luis Palad St., at J.P. Rizal St., hanggang Gen. Luna St.
Ito ay inookupahan ng mayroong 20 tenants na inuulit ko, deka-dekada nang nakaagapay ng local government sa pagpapasigla ng komersiyo sa nasabing bayan.
Pero ngayon ay bigla na lang silang pinalalayas nang wala man lang due process. Hindi rin naman sinasabi sa kanila kung ano ang gagawin sa nasabing lugar.
Kung sakali man na ipagbibili, hindi man lang sila binigyan ng pagkakataon na alukin para sila na ang bumili.
Wala rin alternatibong iniaalok sa kanila kung paano nila ipagpapatuloy ang kanilang pagnenegosyo sa isang espesipikong lugar.
Ipinangha-harass sa kanila ng isang market master na si Veronica Naynes Garcia at tauhan nitong isang alyas Allan na mayroon na raw budget ang nasabing lugar para sa development plan.
Pero natuklasan ng mga tenant na WALA naman pala.
Aba, Mayora este Mayor DINDIE SILANG, ano ba talaga ang gusto ninyong mangyari sa mga komersiyante na deka-dekada nang kaagapay sa pagsusulong at pagpapaunlad ng komersiyo at kalakalan sa inyong bayan?
Department of the Interior and Local Government (DILG) Regional Director, Madam Josie Castillo Go, pakisaklolohan ang mga komersiyante sa Tayabas na ginigipit ng kanilang local government officials!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com