EVERYDAY happy na naman ang sakla operators sa Sta. Maria, Bulacan dahil binigyan na raw sila ng local PNP ng go-signal na mag-operate.
Sandaling natengga ang mga mesa’t baraha ng mga mananakla sa naturang bayan dahil sa mahigpit na kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police na ipatigil ang lahat ng uri ng sugal sa bansa.
Sa mga panahong iyon ay walang sakla sa bayan ng Sta. Maria, maayos namang naipalilibing ang mga patay dahil sa tulong, pag-aambagan at kontribusyon ng magkakapitbahay at magkakamag-anak. Ginagawa kasing dahilan ng mga demonyong sakla operators, na malaking tulong daw ang naibibigay nila sa mga namamatayan dahil sa ‘tong’ o kita ng pa-sakla gabi-gabi habang nakaburol ang patay.
Pero ang lantad na katotohanan, ginagawang negosyo at pinagsasamantalahan ng mga sakla operators ang mga patay para magkamal ng pera para sa pansariling-bulsa, lalo kung malakihan ang tayaan o isang linggong nakaburol ang patay.
May isang buwan na ngayon nang muling i-OPEN ng Sta. Maria PNP ang sugal na sakla sa naturang bayan. Mahigpit pa ang bilin sa mga sakla operator na walang latag sa hayag na lugar o lansangan. Kaya ang mga saklaan at maging ang mga ‘konsiyerto’ ay isinasagawa sa mga tagong lugar na dinarayo pa rin ng mga manunugal, gaya ng saklaan ng isang alyas ‘MONG’ sa may Immaculate Concepcion Funeral Homes. Isang alyas ‘EBOY’ naman ang natokahan ng local PNP para hawakan ang intelihensiya ng mga saklaan sa Sta. Maria, na ang ang lagayan ay P2k isang gabi bawat puwesto, mahina o malakas man ito.
Kinokolekta naman ito ng nagpapakilalang ‘bagman’ ng opisina ng Chief of Police na si alias ‘ALBERT-ONG’ na walang ginawa kundi ‘hukayin’ ang mga ilegal na pagkakakitaan sa bayang ito.
SILG MAR ROXAS, mukhang lumalala na ang peace and order situation sa Sta. Maria Bulacan. Maya’t maya ay kabi-kabila ang patayan na hindi nareresolba ng mga tutulog-tulog na pulis ng Sta. Maria. Hindi lang saklaan ang namamayagpag sa Sta. Maria, nandiyan din ang lantarang bentahan ng mga pekeng VCD/DVD tapes, beerhouse, botyaan, bentahan ng mga expired na produkto, illegal quarrying at mga nagkalat na kababaihang nagbebenta ng laman.
Sonabagan!!!
Sta. Maria PNP Chief P/Supt. RODOLFO ‘Boy’ HERNANDEZ, ano bang nangyayari sa area of responsibility mo!?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com