KALABOSO ang magkapatid na sekyu matapos hampasin ng tubo ang tatlong estudyante sa Echague, Isabela.
Nakapiit ngayon ang magkapatid na suspek na sina Jestoni Chito Antonio at Jestom Antonio, kapwa security guard ng Ugad National High School.
Habang naka-confine sa ospital ang mga biktimang itinago sa mga pangalang Enti, Alfred at Erol, pawang estudyante ng nasabing paaralan.
Kuwento ng mga estudyante, habang nag-aantay silang mabuksan ang gate ng paaralan, bigla na lamang umanong sinugod ng gwardyang si Jestom si Erol.
Umawat sina Alfred at Enti kaya sila naman ang hinampas ng tubo ng magkapatid na gwardya.
Umamin ang mga suspek pero depensa nila, ipinagtanggol nila ang kanilang sarili matapos silang hagisan ng bato at suntukin ng mga biktima.
Agad sinibak bilang mga sekyu ang mga suspek.
Kasong paglabag sa Republic Act 7610 o child abuse ang kinakaharap na kaso ng mga suspek.
(Beth Julian)