LIBO-LIBONG CEBUANO ang nagdaos ng kilos-protesta kahapon sa Fuente Osmeña, Cebu City upang manawagan na pabilisin ang imbes-tigasyon sa mga sumabit sa pork barrel scam, magbitiw sa puwesto ang mga naakusahan, at ang mga napatunayang nagkasala ay kailangan maghimas ng rehas sa mahabang panahon at ibalik sa bayan ang ninakaw na yaman.
Dahil dito, sigaw ng mga Cebuano ay “P.I. na!” na ang ibig sabihin ay People’s Initiative na ang kinakailangang pakilusin upang ganap nang maglaho sa Senado, sa Kamara de Representantes, at maging sa Ehekutibo ang anomang anyo ng pork barrel.
Labis nga lang nagtataka si Monsignor Msgr. Rommel Kintanar ng Cebu Coalition Against the Pork Barrel System kung bakit sina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla lamang ang sinampahan ng kaso.
Ayon naman kay Marc Canton, convenor ng Movement for Livable Cebu, ang kanilang rally kahapon na itinaon sa ika-116 na anibersaryo ng pambansang kalayaan ay umpisa lamang sa mas pinaigting na pakikibaka laban sa mga katiwalian sa pamahalaan, partikular na sa pork barrel.
Kanyang ibinunyag na sa darating na Agosto 23, anibersaryo naman ng Sigaw sa Balintawak, dadagsa sa Cebu ang iba’t ibang anti-pork barrel groups upang idaos ang National People’s Congress on People’s Initiative.
Layunin ng nasabing pagtitipon na maglunsad ng signature campaign sa buong bansa upang ganap nang mabura ang pork barrel system. Sabi ng mga aktibistang Cebuano, kaila-ngan mabura rin sa balat ng lupa ang Disbursement Acceleration Program (DAP) ni Pangulong Noynoy Aquino kung tunay nga siyang seryoso sa kanyang ‘daang matuwid.’
Junex Doronio