HINDI natin alam na aabot sa ganoong level ng desperasyon si Big Brother – LAURENTI DYOGI – nang hamunin sa nude painting ang kanyang housemates sa reality show na Pinoy Big Brother (PBB) All In.
Mismong ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ay natawag ang pansin sa ginawang paghamon ni Big Brother sa kanyang housemates.
Ayon kay Atty. Toto Villareal, MTRCB chair, “the pressure exerted upon the said housemates arguably constitutes moral and psychological violence upon them and may violate their dignity as persons.”
Marami kasi ang nakapuna na ginamit ni ‘Kuya’ ang kanyang kapangyarihan para mabilis na mapahinuhod si Jayme Jalandoni, isang babae — na noong una’y tumatanggi pero na-pressure rin sa bandang huli.
Sumunod dito ay inutusan pa ni Kuya na kombinsihin ni Jayme ang iba pang housemates, at isa na nga rito si Michelle Gumabao na talagang umiyak dahil sa nasabing challenge.
Ano ang unang problema sa ginawang ito ni big Brother?
Una, hindi niya ito naiproseso; ikalawa, naging banta ang kanyang hamon sa pagkababae, paniniwala at pananampalataya ng kanyang housemates; at ikatlo ginawa niya ito on national television na lumabas na walang pagsasaalang-alang sa mga manonood.
Nilabag din umano nito ang 2012 Memorandum of Understanding with ABS-CBN and other networks “for the positive and non-derogatory portrayal of women in television, in support of the Magna Carta of Women 2009.”
Hindi lang MTRCB ang umangal sa ginawang ito ni Big Brother, maging ang Philippine Commission on Women (PCW).
Ayon sa PCW, “Kuya … violated the contestant’s right to freedom of thought, conscience, religion and belief with his prodding.
“… No individual, television show or entity has the right to cause discrimination, insecurity, discomfort, offense or humiliation to any woman,” dagdag ng PCW.
What the fact!?
‘Yan na nga ba ang sinasabi natin …kahahabol ng rating mukhang ‘LUMAMPAS’ na si Big Brother sa kanilang limitations.
Saan ka naman nakakita ng isang TV reality show na hubaran ang contest!?
Ewan lang natin kung pagkatapos ng pangyayaring ito ‘e tumaas na ang rating ng PBB All In o lalo pang lumagapak …
Hihintayin po namin ang resulta ng meeting ng ABS CBN at MTRCB.
Ang tanong: isuspendi kaya ng MTRCB ang PBB All In?
Aabangan po natin ‘yan!
NO VIP TREATMENT DAW SA BIRTHDAY CELEBRATION NI DENIECE CORNEJO!?
HETO na naman tayo …
Matapos mairaos ang 23rd birthday celebration ni Deniece Cornejo nitong Hunyo 1, sa opisina ng Anti-Transnational Crime Unit (ATCU) sa ilalim ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa PNP headquarters, Camp Crame, Quezon City, e gusto pang panindigan ni Supt. Emma Trinidad na wala raw special treatment do’n.
Mula po sa kanyang kulungan ‘e inilabas si Deniece at dinala nga riyan sa tanggapan ng ATCU-CIDG at doon ginanap ang selebrasyon na dinaluhan ng umano’y 20 kaibigan at kapamilya.
No beverages and liquor din daw kaya, fellowship lang ‘yun.
Katwiran pa ni kernel Emma, may permiso raw siya galing sa ‘taas’ para sa party-party ni Deniece pero hindi naman nya masabi kung sinong opisyal ang nagbigay ng go-signal!
Saan ‘taas’ ba ‘yan Kernel Emma, 2ND floor o 3rd floor!?
Sonabagan!!!
Naku naman, Women and Children Protection Unit (WCPU) chief, Kernel Trinidad, Ma’am, wala pa bang special treatment ‘yang lagay na ‘yan!?
‘E detainee po ‘yan at nahaharap sa isang non-bailable offense pero napakswerte naman at nakapag-celebrate pa ng kanyang birthday sa isang magarbong paraan.
‘Yung iba bang detainee n’yo ‘e ganyan rin ang trato ninyo kapag birthday?
Question lang po: bakit ba hanggang ngayon ‘e naririyan pa rin sa Crame si Deniece at si Cedric ay nasa NBI?
Kailan ba ipadadala sa regular jail ‘yang mga ‘yan?
Ganyan ba ang itsura nang walang ‘special treatment sa administrasyon ng daang matuwid?
Pakisagot na nga po!
‘PUMAPATAK ANG ULAN’ SA NAIA TERMINAL 2
MAY kasabihan na: “There is truth in advertising.”
Kahalintulad ito ng slogan na paulit-ulit na mababasa at maririnig natin na iniaanunsiyo ng Department of Tourism: “It’s more Fun in the Philippines.”
Gaya nitong nangyari sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 nitong mga nakaraang araw nang bumuhos ang malakas na ulan ay nagmistulang ‘Maria Cristina Falls’ at ‘Pagsanjan Falls’ ang pasilyo ng Bay 39 at Bay 42.
O, ‘di ba, it’s more fun at NAIA T2?
Ang mga banyagang kararating lamang sa ating bansa ay biglang nag-selfie-selfie at nagkuhaan ng kanya-kanyang pandong para ‘di mabasa.
Hindi tuloy maiwasang magkomento ng negatibo ang travelers sa nakita nila dahil nasa loob ka na nga naman ng international airport pero nababasa ka pa ng ulan dahil sa dami ng ‘tulo.’
Hindi lang daw basta ‘tulo’ kundi napakalakas na tulo ng ulan.
Again, ano ba ang ginagawa ni NAIA T2 Terminal Manager Atty. CECILIO BOBILA para lunasan ang ganitong nakahihiyang tanawin tuwing umuulan?
Hindi man lang pinaghandaan ang ganitong problema sa T2!?
MIAA GM Jose Honrado, mukhang pakaang-kaang na ang NAIA T2 manager? Hinihintay pa yata na kayo ang umaksyon at gumawa ng trabaho n’ya.
Kulang yata sa ‘sabon’ Sir?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com