Sunday , December 22 2024

BuCor acting Director Franklin Bucayu hindi pa nabubukayo?!

00 Bulabugin JSY

BILIB tayo sa lakas ng ‘BULONG’ ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Franklin Bucayu.

Hindi ba’t sandamakmak na bulilyaso na ang nagaganap sa loob ng National Bilibid Prison (NBP) pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya natitinag sa pwesto.

Samantala mula kay dating Western Police District (WPD) director retired Gen. Ernesto “Totoy” Diokno hanggang sa hinalinhan niyang si retired Army B/General Gaudencio Pangilinan, nang may naganap na bulilyaso, sibak agad!

Sa pagputok ng eskandalo ng pagpapaospital sa mga pribadong pagamutan ng tatlong convicted drug lords na sina Amin Buratong, Ampang Colangco at Ricardo Camata, alyas “Chacha” agad daw munang ipinatabi ang 30 units ng golf cart at electronic motorcycles kasi nga nagbuo ang Department of Justice ng investigating task force.

At mukhang nabisto ang nasabing mga sasakyan at apparatus.

Ganoon din ang mga kahina-hinalang private vehicles na nakapapasok hanggang sa loob at sinasabing pinagpupuslitan ng mga bawal na items kabilang na ang alak na ibinebenta at malamang pati droga.

Kapag nasa loob nga raw ng Bilibid ‘e parang nasa loob ka lang ng isang resort.

Ang Bilibid ngayon ay hindi na isang rehabilitation at penitentiary para sa mga preso na convicted sa iba’t ibang uri ng kaso kundi long term safekeeper o bakasyonan ng mga notoryus na kriminal.

Tsk tsk tsk …

Umiiral ang ganyang mga kalagayan o sitwasyon depende kung sino ang nakaupong direktor sa BuCor.

‘Di ba, acting Director Bucayu?!

Para kang nakasagap ng sandamakmak na swerte, Director dahil hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nabubukayu?!

Justice Secretary Leila De Lima, Madam, ano ang agimat at sekreto ni Director Bucayu at hanggang ngayon ay namamayagpag pa rin siya d’yan sa Bilibid?!

Bukayong-bukayo na pero nakakapit pa rin nang mahigpit sa pwesto.

Kanino ba nanghihiram ng kapal ng mukha at tibay ng sikmura si Bucayu?!

Pakisagot nga po Secretray De Lima!

ILLEGAL NUMBERS IS THE NAME OF THE GAME IN REGION 2? (No Strike Policy)

BILIB tayo sa ipinakitang tatag ng loob at paninindigan ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) nang hindi sila pumayag na maagaw ng mga lokal na pulis ang mga nahuli nilang suspek sa jueteng operations sa nasabing lugar.

Nitong nakaraang Mayo 29 (2014), sinalakay ng 9-member team ng NBI ang isang compound sa bayan ng Lasam at inaresto ang 13 katao na naaktohang nagbobola ng jueteng.

Itinuturo ang isang opisyal ng bayan, na isang Konsehal Isaac, ang nasa likod umano ng ilegal na sugal.

Papunta na sa piskalya para ihain ang asunto laban sa mga taong naaktohang nag-o-operate ng jueteng, pero hinarang sila sa Barangay Bangag sa bayan ng Lallo, ng mga pulis mula sa Regional Public Safety Battalion ng PNP Region 2 command at inaresto sila para mabawi ang mga jueteng suspect.

“Kahit  naipresenta na namin ang lahat ng dokumentong nagpatunay na lehitimo ang aming lakad tulad ng Mission Order galing sa NBI director at ang sulat namin sa lokal na pulisya para sa koordinasyon sa aming misyon ay mahigit  12 oras pa rin kaming pinigil sa kampo ng mga pulis na sina PO1 Jay Marc Ariola, PO1 Karl Paragas, PO1 Roy Vercida at PO1 Vincent Gutierrez,” ayon pa sa NBI agent.

Ano ba ‘yang teritoryo mo Gen. Miguel Laurel?!

Hindi mo ba talaga kayang sawatain ang JUETENG sa area of responsibility (AOR) ninyo at kinakailangan pang magsumbong ni Cagayan Gov. Alvaro Antonio sa NBI para masawata ang operasyon ng jueteng.

Wala na raw tiwala ang mga taga-Cagayan sa mga pulis kaya sa NBI na sila lumalapit para matigil na ang jueteng sa kanilang lalawigan.

Hindi lang si Gov. Antonio, maging si Nueva Vizcaya Gov. Padilla ay sumulat rin sa NBI dahil imbes sugpuin ang ilegal na sugal sa kanyang lalawigan ay lantaran pa umanong pinoprotektahan ng lokal na pulisya.

Partikular na tinukoy sa mga reklamong ipinaabot sa mga awtoridad at taga-media ng ilang opisyales sa mga lalawigan ng Cagayan, Apari, Tuguegarao, Isabela at Nueva Vizcaya ang pagiging inutil ng pamumuno ni PNP Regional Director Gen. Miguel Laurel laban sa talamak na operasyon ng ilegal na sugal sa rehiyon, partikular ang jueteng.

Isang alkalde ang nagbunyag na isang kernel na kinilalang alias Raymus Medina ang umano’y  ‘bagman’ ni Gen. Laurel sa koleksiyon ng intelihensiya mula sa mga ilegalista.

Si Col. Medina, na naka-assign sa RPSB-PRO2, ang umano’y nag-coordinate sa sapilitang pagbawi ng jueteng suspects mula sa mga taga-NBI nitong Mayo 29 (Huwebes).

‘Yan ba ang mga pinasusuweldo mula sa buwis ng mamamayan?!

Paging Dir. Gen. Alan Purisima!

FAT & THIN TANDEM, SINISINDIKATO ANG TRANSPORT SA NAIA T3

ISANG babaeng payat na mahaba ang buhok at isang lalaking tabatsoy na busargo ang mukha ang naghahari-harian ngayon sa transport services sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) T3.

Ang dalawa, na binansagang “pakner-in-crime” ang nagsisilbing ‘timonero’ sa transport queuing. Ang diskarte ng ‘magkasangga’ ang nasusunod sa pilahan ng service shuttle.

Kapag hindi nila kaalyado at hindi marunong magbigay ng ‘tara,’ pawang ‘danggit’ at ‘short trip’ lang ang makukuhang biyahe. Pero kung ‘kabagang’ nila at alam ang kalakaran, ‘long shot’ tiyak ang ibibigay nilang biyahe.

Ito ang inihingang sama ng loob sa atin ng ilang matatagal na ‘land pilot’ ng NAIA T3. Ang ‘danggit’ sa termino ng transporters, ang ibig sabihin malapitan lamang na biyahe tulad ng mga terminal sa Pasay City, Baclaran, NAIA Terminal 4 at kalapit lugar nito.

Ang ‘long shot’ ay malayuan paglalakbay o kadalasan ay out-of-Metro Manila trip na ang kinikita ay masasabing “yahoo! Yahoo!”

‘Ika nga, isang biyahe lang boundary na.

Kaya naman kahit matiyaga at masipag kang pumila ay useless effort dahil sa ‘bulok’ na sistema ng tandem nina Tabatsoy at Payatot na gahaman sa kitaan.

Parang bampira ang dalawang tulisan na kumakatas sa hirap at pawis ng mga transport driver.

Naniniwala ang mga nagrereklamong Yellow cab metered drivers na hindi alam ng kanilang kinakatawang transport concessionaire ang modus operandi ng dalawang ungas.

May posibilidad rin umano na may ilang corrupt officials ng MIAA Operations Division sa NAIA T3 ang nakaaalam at nakikinabang sa raket ng dalawang kamote.

Sana’y mapagtuunan ng pansin ni NAIA T3 terminal manager Engr. Octavio “Bing” Lina ang katarantaduhan ni fat boy at thin lady sa pilahan ng transport.

Paki-check Sir Bing Lina, ang raket ng dalawang kumag para maputol na ang kawalanghiyaan nila sa pilahan ng transport sa NAIA T3.

Kawawa naman ang mga pumaparehas na transport drivers kung may mapagsamantalang tao na naghahari-harian diyan sa NAIA T3!

 

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *