ILAN sa mga abogadong kinabibiliban natin ang mag-utol na Fortun — sina attorneys Philip Sigfrid Fortun at Raymund Fortun.
Bilib tayo dahil sa ‘guts’ nila. Sila ‘yung mga taong ang tipikal na motto ay “no guts, no glory.”
Naalala natin sa kanila ang kagaya ni Atty. Juan T. David.
Isa siya sa mga abogadong tinawag na ‘taga sa panahon.’
Si Atty. Juan T. David kasi ang nilalapitan noong araw kapag walang mga abogadong gustong humawak sa kaso ng mga inaasunto. (Ilan dito ang kaso ni Jose Maria Sison – subversion at bago siya mamatay, ang pagkakaalam natin, siya ang may hawak ng kaso ni Madam Imelda Marcos).
Ganyan ngayon ang imahe ng mag-utol na Fortun.
Hinahawakan nila ang mga kontrobersiyal na kaso, at sa tingin natin ay hindi dahil sa pera, kundi for professional growth.
Gaya ng nakatatandang si Atty. Philip Sigfrid Fortun, sa panahon na walang gustong mag-abogado sa angkan ng mga Ampatuan — na sangkot sa Ampatuan massacre.
Hindi siguro malilimutan ni Atty. Sigfrid ang mga upak, lait at banat na inabot siya sa media nang piliin niyang ipagtanggol ang mga Ampatuan.
Pero nanindigan pa rin siya at itinuloy ang paghawak ng kaso ng mga Ampatuan.
Pero kamakailan lang, nakausap natin mismo si Atty. Sigfrid.
Inilinaw at kinompirma niya sa atin na binitiwan na niya ang kliyenteng si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan.
Mga abogado sa Cotabato ang pumalit sa kanya.
Ang hinahawakan na lang umano niya, ang mag-amang dating Maguindanao governor Andal Ampatuan, Sr., at si Datu Unsay Mayor Andal, Jr.
Habang nag-uusap kami ni Atty. Sigfrid ‘e mukhang exasperated siya.
Sa takbo raw ng hearing sa kaso ng mga Ampatuan, mukhang eventually ‘e baka mag-pullout na rin siya sa nasabing kaso.
Anyway, hindi na rin naman sila masisi, isinalang din ng mga Fortun ang kailang imahe at reputasyon sa kontrobersiyal na kasong ito.
Sa panahon nga naman na walang tumatanggap sa kaso ng mga Ampatuan ‘e siya ang nagkaroon ng kakaibang lakas ng loob pero mukhang ‘it’s not worth it.’
Kung ano man ang tunay na dahilan ng pagkalas ni Atty. Sigfrid sa kaso ng isang Ampatuan ‘e sila na lang ang nakaaalam n’yan.
At inirerespeto naman natin ang pakiusap ni Atty. Sigdrid na personal na lang nya ang dahilan ng pagkalas nya sa kaso ng Ampatuan.
Ang tanong: nakita at nabasa na ba ni Atty. Sigfrid na walang kapana-panalo ang kanyang kliyente na sangkot sa Maguindanao massacre?
‘Yan po ang aabangan natin.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com