PALAGAY natin ‘e malaking-malaki na ang pangangailangan na busisiin ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Siegfred Mison ang Information and Communication Technology Section (ICTS).
Ito po ay kaugnay pa rin ng isyu tungkol sa mga iregularidad na matagal na nating binubulabog gaya nang biglang pagkawala sa BLACKLIST ng mga alien o foreigner na may kinakaharap na kaso kapag sila’y pumapasok o umaalis sa ating bansa.
Gaya na lang ng insidente nitong Mayo 21 sa NAIA Terminal 3.
May isang pasahero na na-HIT na may DERO, ng isang Immigration Officer (IO) at ini-refer sa isang BI supervisor pero nang i-double check sa hard copy ng BI computer ay walang SCANNED DERO mula alas-12 ng tanghali hanggang 9:00 pm.
Ang alibi ‘este’ katwiran ni NAIA T-3 ICTS head Joemar at ICTS personnel Wahid, na-CORRUPT daw ang scanned DERO kaya nag-shutdown.
Nang tanungin ng mga empleyado at supervisor ng Immigration kung ano ang gagawin nila, aba ‘e sumagot pa umano nang ganito ang dalawang kamote: “Pagalingan na lang ng mga supervisor ‘yan.”
Sonabagan!!!
Ang galing ng rason!
Pero hindi nagoyo nina Joemar at Wahid ang sumunod na BI SUPERVISOR.
Nanindigan ang sumunod na BISOR na hindi siya magdu-DUTY hangga’t walang scanned DERO dahil kapag may nakalusot na blacklisted o nasa look-out- bulletin ‘e tiyak na ‘yung Immigration officer at supervisor ang mananagot at makakasuhan.
Aba e kamukat-mukat, bigla nang naibalik at nagkaroon na ng scanned DERO sa computer system!
Kaya nagulat ang mga taga-Immigration NAIA T3.
Ang sabi ‘e corrupted?!
Bakit biglang naibalik?!
‘Yan na nga ba ang sinasabi natin. Ibig sabihin meron talagang nagaganap na milagro sa ICTS.
Mayroong HIMALA!
Totoo rin ang matagal na nating tinatalakay na isyu.
Na kayang-kaya ng ICTS na magtanggal at magbalik ng MAHAHALAGANG (essential) IMPORMASYON sa data bank ng BI computer section.
Ang siste, ang mga personnel sa ICTS ay hindi BI organic employee kundi mga contractual lamang kaya wala silang accountability.
Kapag nagkakaroon ng BULILYASO, ang nairereklamo at nasasampahan ng kaso ang Immigration officers at supervisors.
Silang mga CA ay mag-a-AWOL na lang!? Commissioner Mison sir, pwede bang ipabusisi at pabantayan mabuti ang COMPUTER SECTION ng Immigration!
Unang hamon kina Gov. Ramil Hernandez at Vice Gov., Atty. Karen Agapay
TALAMAK NA PERYA SUGALAN SA LAGUNA
MUKHANG kailangan mag-opening salvo versus PERYA-SUGALAN nina bagong Laguna Governor Ramil Hernandez at Vice Governor, Atty. Karen Agapay, lalo’t hinahamon sila ng isang alyas UMBAY.
Si alyas Umbay ay isang gambling operator na ipinagyayabang na tameme sa kanya si Sta. Cruz Laguna Mayor Dennis Panganiban.
Hindi raw makaangal si mayor kahit binababoy na ang iginagalang na simbahan ng Bayan dahil halos 20 iba’t ibang uri ng sugal ang gumagana sa loob ng PERYA-SUGALAN.
Ang pinakamasakit, mga pulis ang salubong at bantay ni UMBAY.
Ipinagmamalaki ni Umbay na hindi pwedeng umangal si Panganiban dahil timbrado na siya.
Hindi natin alam kung saan nanghihiram ng tapang at kapal ng mukha si Umbay, dahil malakas din ang loob na kaladkarin ang pangalan ni Chief PNP-Alan Purisima ganoon din ang dalawa niyang kaanak na opisyal umano ng PNP.
Mukhang ‘PALYADO’ rin ang “No Take Policy” ng PNP dahil mismong si Calabarzon-4A P/CSupt. Jesus Gatchalian ay kayang walanghiyain ni UMBAY.
E paano naman, latag na latag ang PERYA-SUGALAN ng mga gambling operator sa likod ng CMC Hospital sa Calamba. Ganoon din ang tinaguriang puesto pijo sa San Pablo at Los Baños.
Kalat din ang saklang puesto pijo sa Padre Garcia, Aplaya ng Calamba ni Baby tomboy na siya rin may-ari ng perya.
Tuloy ang ligaya ng sugalan ni alyas Tita Lemery na puesto pijo rin at Tita Vukies, Grace Vukies ng Vill de Calamba at Sheron, may-ari ng bookies sa Calamba.
Tsk tsk tsk … ayaw daw ng sugal lupa ni Kernel o ni General ‘e bakit namamayagpag sa Laguna?
Pakisilip na rin po ang Brgy. Sta. Clara sa Pila, Laguna na ang financer ay isang Boy Yambot, na gamit din si Pila Laguna Mayor Boy Quiat.
Sa San Pablo Laguna, kontrolado umano ng gambling operator si Mayor Loreto Amante at sa Los Baños ay ginagamit din ang pangalan ni Mayor Caesar Perez habang sa Calamba City ginagawang panangkalan si Mayor Timmy Chipeco.
Mukhang may pinaghihiraman talaga ng kapal ng mukha ang gambling operators kung bakit napakalakas ng loob nilang gamiting maging ang pangalan ng mga kawawang mayor ng nasabing mga bayan.
Gov. Ramil Hernandez Sir. Vice Gov Karen Agapay, Madam, pakibusisi n’yo nga ‘yang mga mga PERYA-SUGALAN sa inyong nasasakupan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com