MALAKAS ang ugong na ‘aprub’ ng ilang opisyal ng PNP National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagbubukas ng virtual Jueteng ng isang sikat na gambling Lord sa Metro Manila.
Ito ang ibinulgar sa atin ng isang mapagkakatiwalaang impormante ng 1602 sa NCR region.
Ayon sa ating source, isang Heneral, Kernel, Major at dalawang SPO-2-10 ang nagbigay ng go signal sa operation ng ‘virtual jueteng.’
Isang alias MAJOR KAWALI at alias S-PE na binansagan BATMAN & ROBIN na kilalang-kilala sa PNP sa pagti-TIMBRE ng 1602 mula sa Region 1 hanggang Region 5 ang siyang nagsilbing sugo ‘este’ tulay sa mga PNP official para mabuksan ang virtual tengwe sa kalakhang Maynila.
Napag-alaman rin na tumatabo ng P1.2 milyon ang lingguhang kolektong ng grupong ito sa buong Metro Manila sa mga sugal lupa gaya ng Perya-galan, Sakla, Color Games, Video Karera, Jai-Alai at horse Bookies, Terembe, at iba pa.
Hindi pa kasama rito ang koleksiyon sa TENGWE na posibleng umabot ng P3 milyon kada isang linggo.
By the way SILG MAR ROXAS, alam mo ba na ginagasgas ni MAJOR KAWALI at S-PE ang pangalan mo sa mga 1602 operators at nagpapakilala pa ang dalawang kumag na ‘tao’ mo sila?!
Kahit itanong pa n’yo kay SPO-2-10 Noel ‘D Cashtro!
MEDIA KILLINGS TRENDING NA SA PNOY ADMIN!
NASA ikaapat na taon pa lang ng kanyang termino si Pangulong Benigno Aquino III, pero umabot na sa 28 ang napapatay na miyembro ng media.
Gusto pa ngang bawasan ni Secretary Herminio ‘Sonny’ Coloma, Jr., radio blocktimer lang daw ‘yung huling biktima sa Digos Davao.
Hindi natin alam kung ano ang laman ng sinasabi ni Secretary Kolokoy este Coloma.
“Blocktimer lang,” kaya hindi dapat isama sa bilang ng mga mamamahayag na pinaslang o “Blocktimer lang,” kaya okey lang patayin?!
Secretary Kolokoy este Coloma Sir, TRENDING na ang administrasyon ninyo.
Ngayon lang 2014, ilan na agad ang pinaslang, e pumapasok pa lang tayo sa ikaanim na buwan ng taon na ito.
Ibig sabihin pwede pang maka-pito hanggang Disyembre o baka magkaroon pa ng isang Ampatuan massacre na 32 mamamahayag agad ang tinodas?!
Sawa na kami sa naririnig namin na paiimbestigahan ng Palasyo, nagbuo ng task force, ipinatutugis na etc. etc.
May cartographic sketch na, may witness na, isinailalim na sa Witness Protection Program (WPP).
Ano pa?!
Ang dami nang ginawa pero wala pa rin naihaharap na ‘killer’ ng mga mamamahayag?!
Nasaan na ang Reyes brothers na itinuturong mastermind sa pagpaslang kay Gerry Ortega?!
Malapit na raw mahuli, pero kamukat-mukat ‘e ang mga hinuli mga opisyal ng Communist Party of the Philippine (CPP).
Nasaan ‘yung APAT na MALALAKING wanted?!
Reyes brothers, Palparan, at Ecleo?!
Ay sus, nilibang n’yo lang ang mga mamamayan pero hindi maresolba sa ilalim ng administrasyong ito ang kabi-kabilang patayan na ang mga pangunahing hitman ay mga riding in-tandem.
Mahal na Pangulong Noynoy, katarungan po ang hinihingi namin para sa mga kapwa-mamamahayag na pinaslang sa iba’t ibang paraan.
Humihingi rin ng katarungan ang mga negosyanteng ninakawan na, pinatay pa. Pinakahuli na nga opisyal ng Insurance Commission.
Inutil na ba talaga sa paglutas ng krimen ang law enforcement agencies sa ilalim ng inyong administrasyon at sa intelehihensiya lang ng illegal gambling sila magagaling?!
Aba ‘e, kung ganyan nang ganyan mahiya naman kayo sa sambayanang nagpapasweldo sa inyo …
MAGPAGULONG ka naman ng mga ‘ULO,’ mahal na PANGULO!
BAGONG MANILA KOTONG-GANG TODO-HATAW NA NAMAN!
ISANG bagong KOTONG GANG ang iniinda na naman ngayon ng mga motorista kapag ang gulong nila ay sumayad na sa teritoryo ng Maynila.
Gaya nitong nakaraang Sabado, nagkaroon ng matinding traffic sa Del Pan Bridge at sa Road 10. Pero hindi po dahil sa mga truck kundi dahil sa nagpapakilalang ANTI-SMOKE BELCHING ‘KOTONG’ este GROUP ng Manila City Hall na hindi natin alam kung sa anong YUNIT nagmula.
Ang nasabing ANTI-SMOKE BELCHING Group ay ‘yung tipong kapag nakaamoy ng ‘UTOT’ ay biglang paparahin ang sasakyang dumaan sa kanilang harapan o hahabulin kapag nakaraan na.
Saka pahihintuin sa gilid ng kalsada (national road po ang Del Pan at Road 1o) na dinaraanan ng lahat ng uri ng sasakyan.
Kapag huminto, sasabihin sa driver, “O smoke belching ka.”
Ang violation daw na ito ay aabutin ng P1,500 ang multa, tapos hindi pa pwedeng ilabas ang sasakyan hangga’t hindi nakakukuha ng clearance na hindi na umuusok ng maitim ang inyong tambutso.
Okey lang. Para rin naman sa kapaligiran natin ‘yan at para mabawasan nga ang polusyon.
Pero teka, meron pa raw isang option, para huwag nang maabala, magbigay na lang ng P300 hanggang P500 pwede nang lumarga.
Tsk tsk tsk …
‘Yun ‘yun e … dagdag-lagare lang pala ng ‘PABAON?’ Meron nang towing, meron pang smoke belching …
Nagmamadaling makaipon ng PABAON, baka isang araw paggising nila ‘e ‘TSUGI’ na sila sa City Hall.
‘Yan daw ang epekto tuwing umuugong ang balita na magdedesisyon na ang Supreme Court sa DISQUALIFICATION CASE.
SONABAGAN talaga!
Mamalagi man o matsugi, pahirap pa rin talaga sa mga motorista at sa mga Manileño!
Kailan ba kayo mag-e-evaporate?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com