MARAMI na tayong naririnig na reklamo ukol sa pagkuha ng Import Clearance Certificate (ICC) sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Bureau of Customs – I CARE ang dating service provider nito. Noong panahon na iyon wala tayong naririnig na reklamong DELAYED sa mga importer.
Kung mayroon man ay manageable naman.
Pero ngayon, mula nang pinakialaman ng BIR, biglang bumagal ang accreditation at renewal ng mga importer. Isang dahilan ito na nakaaapekto sa BoC tax collections.
‘E paano ba naman, ‘yung mga nag-expired ang accreditation noong June-December 2012 at ‘yung mga nag-apply ng bago hanggang ngayon ay nakatengga pa rin.
Kaya huwag na tayong magtaka kung bakit desmayado ang mga negosyante na mag-import.
Alam kaya ni BIR Commissioner Kim Henares na ang daming nakatenggang applications sa BIR?
‘Yan ay kahit naka-COMPLY na sa sandamakmak na requirements ang applicant na importers.
Paano naman hindi tatagal ang proseso, bago ka mag-file ng iyong accreditation sa BIR main office ay daraan pa muna sa BIR RDO na nakasasakop sa iyong kompanya para sa santambak na rekisitos.
Siyempre, diyan pa lang sa BIR RDO bibilang na ng maraming araw bago makompleto ang requirements.
Customs Commissioner John “Sunny” Sevilla, Sir, mukhang may pangangailagan na ibalik na ulit sa BoC-I CARE ang accreditation ng mga importer.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com