SELOS ang hinihinalang motibo sa pagpatay ng overseas Filipino worker (OFW) sa dati niyang kinakasamang OFW rin, bago magbaril sa ulo, sa harap ng kanilang 5-anyos anak, sa Barangay Roxas District, Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat kay Chief Supt. Richard Albano, Quezon City Police District (QCPD) Director, mula kay C/Insp. Rodelio Marcelo, Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) chief, namatay ang dating live-in partners na sina Al Bryan Padua at Erika Mauricio residente sa Azucena St., Barangay Roxas District.
Sa imbestigasyon, dakong 2:00 a.m. nang matagpuan ang dalawana kapwa may tama ng bala.
Isang tama ng bala sa sentido ang tumapos kay Mauricio na tumagos sa panga at isa naman ang tumama sa bibig ni Padua na tumagos sa batok.
Bago ang insidente, nakarinig ng tatlong putok ng baril ang ilang kapitbahay na nagmula sa loob ng bahay ng mga biktima dahilan para tumawag ng responde sa barangay.
Sa imbestigasyon, binaril muna ni Padua si Mauricio saka nagbaril sa sarili sa harap ng kanilang 5-anyos anak.
Bagamat matagal nang hiwalay ang dalawa, selos pa rin ang nakitang nagtulak kay Padua para patayin ang dating kinakasama makaraang malaman ng pulisya na nagtatanong sa kapitbahay si Padua kung may bagong kinakasama si Mauricio.
(Almar Danguilan)