SA isang phone interview noong nakaraang linggo,sinabi ni Engineer Rey Cruz, Officer-In-Charge ng Mine Management Division ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa Region 3 ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), na isang grupo mula sa kanyang opisina ang magsasagawa ngayong linggo ng follow-up inspection sa mga operasyon ng Bluemax Tradelink, Inc. sa Botolan, Zambales.
Marso 6 nang inatasan ni Atty. Danilo Uy-kieng, MGB Region 3 Officer-in-Charge, ang Bluemax na tigilan ang pagmimina sa lugar. Inilabas ang order kasunod ng pagkakatuklas sa ocular inspection ng mga technical personnel ng kanyang tanggapan na nagsasagawa ang kompanya ng “illegal extraction and/or processing of magnetite” o black sand sa Botolan.
Ang cease and desist order (CDO) ay naka-address kay Clark Zapata, ang CEO ng kompanya, at sa isang Eddie Dupalco, ang Senior Administrative Officer.
Bagama’t una nang itinanggi ng Bluemax na nagmimina ng black sand at iginiit na naghuhukay lang ng lahar sand mula sa Bucao River, natukoy sa mga ulat na patuloy silang nagpoproseso ng black sand kahit pa matagal nang naipalabas ang CDO.
Ayon sa aking mga espiya, ang lahar sand ay dumaraan sa isang spiral separator na nagsasala ng black sand gamit ang isang magnet. Isasakay ang mga cargo sa Panamax carrier, na tinatawag din Handymax bulker o ang barkong may bigat na 50,000 tonelada. Ginagamit daw ang lahar sand sa isang reclamation project sa Singapore. Ang black sand naman ay kinukuha ng Sea Wind Group Limited na subsidiary ng Tricor company na may kontrata sa Bluemax.
Sa kabilang banda, ang kompanyang Chahaya Shipping and Trading, na napaulat na may-ari sa mga barko, ang nakakontrata naman para bumili ng buhangin sa Tricor.
***
Libo-libong miyembro ng Lions Clubs International (LCI) sa bansa ang magtutungo sa Bacolod City simula ngayong araw.
Ang mga leadership at member orientation seminar at botohan para sa mga bagong district officer ay ilan lang sa mga aktibidad para sa 65th Multiple District 301 Convention sa Mayo 22-25. Ngayon, darating ako at ang iba pang Lions mula sa Metro Manila sa tinaguriang City of Smiles via Philippine Airlines.
Dadalo sa okasyon si LCI 1st Vice President Joe Preston, ang incoming international president para sa Lion Year 2014-2015.
Ngayon pa lang ay binabati ko na ang State Council of Governors na pinangungunahan ni Council Chairperson Em L. Ang, si District 301-B1 Governor Araceli “RC” Regalado, at ang Lions ng Negros at Panay na host sa taunang event na ito.
Inaasahan ko na ang isang makabuluhang convention na may layuning pag-ibayuhin ang humanitarian services sa ating mga komunidad.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.