NAKABIBINGI ang katahimikan ng Commission on Human Rights (CHR) sa kaso ng pang-aabuso, at kapabayaan sa karapatang pantao ng isang buntis na gaya ni Andrea Rosal.
Namatayan ng anak si Andrea – hindi natin kayang saklawan ang sabi nga ‘e Divine intervention – pero alam nating lahat na nakaapekto nang husto ang paghina ng kalusugan ni Andrea at ng kanyang anak na si Diona Andrea dahil kapwa sila hindi nabigyan ng kaukulang atensiyong medikal.
Pitong-buwan buntis si Andrea nang siya ay dakpin sa Caloocan City dahil sa dalawang kaso na mariin niyang itinanggi.
Idinidiin din na siya umano ay kasapi ng New People’s Army gaya ng kanyang amang si Gregorio “Ka Roger” Rosal.
Walang maiharap na ebidensiya ang mga humuli sa kanya ganoon pa man, ikinulong pa rin siya kahit na siya ay buntis ng pitong buwan.
Humiling ang kampo nina Andrea na isailalim siya sa hospital arrest, pero hindi pumayag ang mga awtoridad. Nagle-labor na si Andrea e hindi pa rin umano nababahala ang mga umaresto sa kanya. Kung hindi pa siya namilipit sa sakit ‘e hindi pa siya dadalhin sa ospital.
Sa madaling sabi, nakapanganak si Andrea pero ilang oras bago magdalawang araw ang kanyang anak na si Diona Andrea, pumanaw ang sanggol.
Hindi natin kapanalig sa ideolohiya si Andrea, bagamat naniniwala ako sa ilang aspeto ng kanilang pakikibaka.
Pero ang ipinagtataka natin dito, bakit si Janet Lim Napoles na itinuturong ‘arkitekto’ ng P10-billion pork barrel scam ay napakabilis na nabigyan ng hospital arrest?
Bakit hindi ang isang Andrea Rosal na mayroong dinadalang sanggol sa kanyang sinapupunan?!
Bakit nanahimik ang CHR?!
Pakisagot na nga po Madam, Gen. Lina Sarmiento and CHR chair Madam Etta Rosales?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com