SA MATINDING galit kay misis na nagtungo ng Canada nang walang paalam, pinagbuntunan ng galit ng ama ang kanyang 7-anyos anak na babae, na kanyang ginilitan ng leeg at pinagsasaksak sa katawan hanggang mamatay, sa Quezon City kahapon ng madaling araw .
Sa ulat ni PO2 Rita Reynaldo ng Quezon City Police District – Fairview Police Station 5 – Women and Children Desk, natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay ang biktimang si Angel Mark Cathlyn Manliclic, ng Block 2, Lot 8, N. Aquino St., Barangay Sta. Lucia, Fairview.
Agad naaresto ang ama ng biktima, na si Alvin Manliclic, 35, nakaupo pa sa tabi ng bangkay ng kanyang anak nang damputin ng mga awtoridad.
Sa imbestigasyon, dakong 3:00 a.m., nakatanggap ng tawag ang mga bantay sa barangay hall, mula sa isang concern citizen at ipinagbigay-alam ang insidente.
Mabilis nagresponde ang mga kagawad ng Brgy. Sta Lucia at kanilang nakita ang bangkay ng biktima habang nasa tabi nito ang suspek na walang kibo at kusang sumama sa mga tanod at saka dinala sa pulisya.
Ayon sa Scene of the Crime Operatives (SOCO), nakitaan ng saksak sa kaliwang tagiliran ang bata at ginilitan sa leeg.
Sa inisyal na imbestigasyon, hinalang lasing ang ama at galit sa kanyang misis na nagpaalam uuwi ng probinsiya pero makalipas ang ilang araw nalaman ng suspek sa Facebook na nasa Canada na pala si misis.
nina Almar Danguilan/JETHRO SINOCRUZ