SAYANG ang barong at ang podium na ginagamit ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio “Sonny” Coloma, Jr.
Hindi na siya nagiging kagalang-galang dahil sa insensitive na pagtugon niya sa tinututulang tuition fee hike.
Hindi natin inaasahan na ang isasagot ni Secretary Kolokoy este Coloma sa mga dumaraing laban sa sumisirit na tuition fee hike ‘e ‘yung, “Kung wala kayong pera ‘e di sa state universities (public) kayo mag-aral.”
Hindi natin minamaliit ang kalidad ng ating mga state university.
(By the way, napapansin ko lang na halos 60 percent ng estudyante sa UP Diliman ay galing naman sa well-to-do families?)
Humahanga pa nga tayo sa mga batang nakapapasok d’yan kahit sa city or provincial state colleges or universities dahil hindi biro ang dinaraanan nilang mga pagsusulit at pagko-comply sa requirements.
Hindi lang natin nagustuhan ang sagot ni Secretary Kolokoy este Coloma dahil hindi man lang niya naisip na paano ‘yung mga batang hindi nakapapasa sa mga entrance exam ng state universities at iginagapang sa pag-aaral ng mga magulang sa mga kolehiyo at unibersidad na napakataas nga ng tuition fee.
Hindi po ganyang sagot ang gustong marinig ng mga kababayan natin na nagsisikap magpalaki at magpaaral ng mga anak para maging produktibong mamamayan ng ating bansa.
Masyadong maikli ang memorya ni Secretary Kolokoy este Coloma … nalimutan mo na ba agad ang pagpapakamatay ni Kristel Tejada?
Ang UP student na nabigong punan ang kanyang mga documentary requirements at hindi nakapag-enrol sa UP kaya nagpakamatay na lang?!
Isang batang nangarap hindi lamang para sa sarili niya at sa pamilya kundi para sa bansa pero binigo ng mga burakratikong rekesitos?
Ang nakapagtataka pa, mukhang deadma lang ang mga taga-Palasyo sa sagot ninyo, Secretary Kolokoy.
Isang tahasang paglapastangan ‘yang sagot ninyo Secretary Coloma sa mga magulang at anak na nagsisikap para umangat mula sa kanilang kinalalagyan.
Gusto nga ninyong taasan ang sweldo ng mga guro pero ang idadagdag ninyo ay manggagaling din sa pinayagan ninyong pagtataas ng TUITION FEE.
‘Yung mga guro ba na tataasan ninyo ng sweldo ay hindi maapektohan ng pagtataas ng tuition fee?
Wala bang anak na pinag-aaral ang mga gurong gusto ninyong itaas ang sweldo pero galing din sa lukbutan nila ang idadagdag ninyo?!
Masarap lang pakinggan, pero kalokohan lang ‘yun ‘di ba, Secretary Kolokoy y Coloma?
Parang ginisa lang ninyo sila sa sariling mantika.
Tsk tsk tsk …
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com