TINIYAK ni PNP CIDG Chief Police Director Benjamin Magalong, nakahanda na ang kanilang ahensiya sakaling magpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban sa tatlong senador na kinasuhan ng plunder dahil sa pagkakasangkot sa pork barrel scam.
Sinabi ni Magalong, matagal nang pinaghandaan ng PNP ang pag-aresto sa tatlong senador at noong buwan pa ng Marso ay masasabing plantsado na ang inilatag nilang paghahanda sakaling ipalabas ang warrant of arrest laban kina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon ‘Bong’ Revilla.
Ayon kay Magalong, ang CIDG ang lead unit para isilbi ang warrant of arrest sa mga akusado.
Inilinaw ni Magalong, walang halong politika ang ginagawa nilang preparasyon sa napipintong pag-aresto sa tatlong senador. Sinabi ng heneral, ang mahalaga ay handa sila para sa ano pa mang pangyayari. (HNT)