ni Robert B. Roque, Jr.
MINSAN akong nakabasa ng balita tungkol sa isang police major sa isang Thai village sa probinsiyang may kalayuan mula sa Bangkok. Mahigit 16 na taon na ang nakalilipas.
Ang kuwento ay tungkol sa pamamaril niya sa lima niyang kabaro at sa pagkakasugat ng lima pang empleyado bago itinutok niya ang baril sa sarili at sinabing siya ay isang tapat na pulis sa isang tiwaling organisasyon.
Iniulat lang ito makalipas ang ilang araw at mahigit 1,000 kalugar ang nagmartsa upang bigyang-pugay ang 50-anyos na si Police Major Chaiyaworn Hiranwadee na ang pamamaril ay isinisi sa pamimilit sa kanya ng mga kasamahan sa trabaho na magbenta ng amphetamines at bigyang-proteksiyon ang iba pang ilegal na aktibidad sa kanyang departamento.
Si Chaiyaworn ay kilala bilang isang masipag, responsable at tapat na pulis.
Nabanggit din sa nasabing report na sa mga panahong iyon, ang korupsiyon sa pulisya ay matinding pinoproblema sa Thailand, at ilang pulis ang nasangkot sa napakaraming krimen, mula sa pagtanggap ng suhol at payola hanggang sa pagbebenta ng kababaihan at ilegal na droga, pagpatay, at pagnanakaw ng alahas mula sa isang Saudi Arabian royalty.
Minsan nang sinabi ng isang police general, na kinikilala bilang mabuting pulis ng Thailand, na magpapatuloy ang korupsiyon hanggang hindi maayos na napasusuweldo ang mga pulis.
Hindi ko eksaktong matukoy kung paano ito maiuugnay sa ating pulisya rito sa bansa, na malinaw na maikukumpara sa pagkakalarawan sa itaas.
Ngunit kung ang isang Chaiyaworn ay bigla na lang sumulpot mula sa PNP sa mga susunod na araw at walang habas na namaril sa loob ng estasyon ng pulisya, mayroon akong tatlong kahilingan.
Una, sana ay armado ng M-16 automatic rifle at ilang banana-type magazines ang Pinoy version ni Chaiyaworn.
Ikalawa, biktimahin sana niya ang mahigit limang pasaway na pulis sa kanyang departamento.
At ikatlo, matapos niyang barilin ang kanyang mga target ay maramdaman niya ang matinding pagnanais na idamay sa kanyang galit ang ibang department, kaysa barilin niya ang sarili.
Sana ay maging tribute ito sa maraming tapat na pulis na naninindigan sa tungkulin nila sa pagbibigay ng proteksiyon at pagsisilbi sa mga mamamayan ng bansang ito.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.