BIHIRA ang nakababatid na bukod sa Philipine National Police (PNP) at iba pang law enforcement units gaya ng National Bureau of Investigation (NBI) ay meron palang sariling elite task force si Pangulong Benigno Aquino III para sa pagsugpo ng ilegal na sugal na direktang nagre-report sa kanyang kaibigang matalik na si Executive Secretary Paquito “Jojo” Ochoa, Jr.
Ito ay ang PRESIDENTIAL ANTI-ILLEGAL GAMBLING TASK FORCE na pinamumunuan ni Atty. Ermar Benitez. Simply tagged as AIGU o Anti Illegal Gambling Unit na nasa ilalim ng superbisyon at pamamahala ng GAMES AND AMUSEMENT BOARD (GAB) ni Chairman Juan Ramon Guanzon.
Ang tunay na layon ng task force ay ipakita sa sambayanan ang matapat na hangarin ng administrasyong Aquino sa pagtahak sa daang matuwid. Kasama na riyan ang tuluyang pagdurog sa talamak na operasyon ng jueteng at iba pang uri ng ilegal na sugal.
Ang elite task force sana ang magiging ‘check and balance’ ng Malacañang sakaling mabigo ang pulisya sa pagsugpo ng ilegal na sugal.
Pero imbes mabura sa sistema ng pamayanan at ng lipunan ang industriya ng illegal gambling sa panahon ni Pangulong Aquino, lalo itong namayagpag.
Ang masakit, nagamit pang kasangkapan ang mismong mga tanggapan at mga ahensiya ng pamahalaan, ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nag-endoso ng mga larong Small Town Lottery (STL) at Bingo Milyonaryo.
Sa halip patayin ang ilegal na sugal na jueteng, tila lalo pa itong lumaganap at tumatag sa pagkukubli sa mga legal na prangkisang ipinagkaloob ng PCSO para sa STL at Bingo Milyonaryo.
Naging excuse ng pulisya ang hindi paghuli sa mga cobradores dahil mayroon silang mga ID mula sa PCSO.
Going back sa job description ng AIGU ni Atty. Benitez, tila wala itong pangil sa mga kilalang jueteng at gambling operators.
Imbes manghuli at magtala ng accomplishment na ipipresenta sa Pangulong Aquino, tila mas naging interesado sa pakikipagpulong sa ilang very important people (VIPs) sa coffee shops ng ilang 5-star hotels. (Kung sinong mga VIP ito, abangan sa mga susunod nating pagtalakay)
Pati ang buong tanggapan ng GAB ni Chairman Guanzon ay tameme lamang sa pagkalat ng lahat na yata ng ilegal na sugal. Pero patuloy ang pagsuweldo nila mula sa pera ng taongbayan.
Kilalanin nga pala natin itong si AIGU chief, Atty. Ermar Benitez.
Si Atty. Benitez po, FYI ay hepe rin po ng Legal Department ng GAB. Siya po ay miyembro ng SIGMA RHO Fraternity na kinabibilangan din po ni GAB Commissioner Aquil Tamano at ni Senator Sonny Angara, na nagkataon namang Chairman ng Senate Committee on Games and Amusement.
(Kay Atty. Benitez sir, baka naman may ilang indibidwal sa paligid mo ang mainit sa ‘yo kaya nais kang ilagay sa ‘kitchen’ for you to feel the heat? Hindi po kaya, hence to leak these informations?)
Parang kinasanayan na ni Executive Secretary Jojo Ochoa at ng Pangulong Aquino na punuin ng fraternity members mula sa Unibersidad ng Pilipinas at Ateneo Law School ang present administration.
Kundi mga fraternity brothers ang iluluklok sa poder ay mga Mistah sa PMA. Dahil ba sa HONOR CODE at CODE OF SILENCE? Ano nga ba ang mga sikretong malupit na nais itago ng “bright boys” ni PNoy?
Ang akala ko ba, ang mamamayang Filipino ang BOSS ni Pangulong Aquino? Bakit may ganitong umiiral na sistema?
Bakit nga ba Secretary Jojo Ocha?
Paanong masusugpo ang mga problema ng bayan kung ganitong tila itinatago sa taongbayan at mismong kay Pangulong Aquino ang tunay na sitwasyon.
Sa jueteng pa lang at ilegal na sugal, nasira na kayo sa ipinagmamalaki n’yong DAANG MATUWID!
Huwag po kayong bibitiw, may kasunod sa isyu ng GAB at illegal gambling …
ABANGAN!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com