LUMABAS din ang tunay na interes ng mga inakala ng mga Manileño ay mapagkakatiwalang public servant.
Gaya na lang ng pinakabagong announcement umano ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) na pinamumunuan ng dating konsehala na si Dr. Honey Lacuna Pangan.
Hindi na raw libre ang mga day care center sa Maynila. Sa enrolment ay magbabayad na ng halagang P200 ang isang batang estudyante at kada buwan ay magbabayad pa ng P100.
Hindi natin maintindihan kung bakit nagkaroon ng ganitong pag-iisip ang MDSW chief na si Dr. Honey. (Dr. na pala kayo konsehala?)
Parang hindi kilala ni Madam Honey ang kanilang constituents sa Manila.
Hindi ba alam ni Madam Honey na ang mga nagpapaaral sa mga day care center sa bawat barangay ay ‘yung mga constituent nila na hirap na hirap iraos ang kanilang mga pangangailangan sa loob ng isang araw?!
Hindi ba niya arok kung magkano ang kita at gastos ng isang mamamayan na nabubuhay below poverty line level?!
Noong panahon ni Manila Mayor Alfredo Lim, hindi nila mai-propose ang ganyan klase ng mga singilin kasi alam nilang hindi papayag ang alkaldeng ang mithiin ay maging LIBRE ang edukasyon sa lungsod, mula day care hanggang kolehiyo.
Bakit LIBRE?
Dahil naniniwala si Mayor Lim na ang edukasyon ay isang paraan upang kahit paano ay maiangat ng isang tao ang kanyang kalagayan.
Sabi nga ni Mayor Lim, edukasyon ang magpapalaya sa bawat mamamayan mula sa kahirapan.
At karamihan ng pamilyang nagpapaaral sa day care centers ay ‘yung mga hikahos at kapos.
Dahil nga sa programa na ‘yan ni Mayor Lim, maraming lungsod ang gumaya.
Kung pagbabayarin pa ang Manileño na hikahos sa buhay, paano pa nilang mapag-aaral ang kanilang mga anak?!
Wala na nga’ng maibigay na mahusay na serbisyo ‘e nanakawan pa ng oportunidad ang mahihirap?!
Ano ba nangyayari sa inyo, Madam Honey?!
Hindi mo man gusto ang politika ni Mayor Lim (kahit na hindi naman siya namomolitika) ‘e huwag mo naman pahirapan ang mga constituent ninyo.
‘Yung tatay mo kaya, pakitanong mo nga rin siya kung pabor din siya na magbayad ang mga day care pupils?
Marami pang programa ang pwedeng pag-isipan. Huwag ninyong ‘pigain’ ang mga hikahos.
Pwede ba ‘yun Madam Honey?!
[divider]
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com