PARA maging matagumpay ang laban kontra ilegal na droga, dapat estriktong ipatupad ng gobyerno ang mga batas laban sa mga nagbebenta at gumagamit ng illegal drugs habang nagsasagawa ang narcotics agents ng honest-to-goodness campaign sa pagtiyak na hindi sila basta bibigay sa suhol o pressure ng politika mula sa lider ng mga suspek.
Sa kabilang banda, ang kawalang kaalaman ng mga law enforcer sa wastong pag-iingat sa mga ebidensiya ay kadalasang nauuwi sa pagkakabasura ng korte sa mga kaso ng ilegal na droga.
Eto, halimbawa, ang scenario. Inaresto ang isang marijuana pusher nang maaktohang nagbebenta ng ilegal na droga sa isang tin foil. Dadalhin ng imbestigador ang nasabing droga sa Police Crime Laboratory (PCL) o sa National Bureau of Investigation (NBI) para suriin.
Kung makokompirmang marijuana nga, ang kompiskadong droga ay ipipresenta sa korte bilang ebidensiya.
Para sa isang pipitsuging drug pusher na may pipitsugin ding abogado, posibleng magtagumpay ang kaso. Ngunit kung ang akusado ay isang big-time drug lord na can afford ang serbisyo ng isang abogadong de campanilla, malaki ang posibilidad na ma-dismiss ang kaso, sa katwirang palpak ang pag-iingat sa ebidensiya.
Itatanong ng matinik na abogado: Gaano kasigurado ang imbestigador na ang marijuana na ipinasuri niya sa PCL/NBI ay ang mismong ibinalik sa kanya o iprenesinta sa korte? May pruweba ba ang imbestigador na ‘yun ang “the same banana”?
Minsan nang nabanggit sa akin ng isang city prosecutor na karaniwang hindi namamarkahan ng mga imbestigador ang ebidensiya, sa kasong ito, ang pinagbalutan o ang pinaglagyan ng nakompiskang ilegal na droga, na nararapat gawin.
Kapag na-dismiss ang kaso, karaniwan nang sisisihin ang prosecutor at ang hukom na may malisyosong bulungan kasabay ng pagpapalitan ng kamay na may kipkip na pera.
Dapat siguro, may isang ahensiya na mag-iingat sa mga ebidensiyang ipinipresenta sa korte. Isang national depository na magkokontrol sa pagpapasa-pasa ng mga ebidensiya, gaya ng ilegal na droga, o baril o smuggled goods.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.