NAGSAGAWA ng kilos-protesta sa paanan ng Chino Roces bridge sa Mendiola ang ilang grupo ng mga estudyanteng mamamahayag sa paggunita ng World Press Freedom Day.
Mariing kinondena ng student journalists ang hindi pa rin matigil na pagpatay sa mga mamamahayag.
Pinakahuli rito ang pagpaslang sa tabloid reporter na si Rubylita Garcia noong Abril 6.
Sa datos ng Center for Media Freedom & Responsibility (CMFR), si Garcia ang ika-22 mamamahayag na napaslang sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon kay College Editors Guild of the Philippines (CEGP) chair Charina Claustro, masyado nang nakaaalarma ang insidente ng pagpatay sa mga mamamahayag sa bansa.
Patunay anya ito na nananatili ang Filipinas bilang isa sa pinakadelikadong lugar sa buong mundo para sa mga mamamahayag.
Ikatlo ang Filipinas sa listahan ng mga pinakamapanganib na bansa para sa mga mamamahayag, batay sa taunang ulat ng International News Safety Institute (INSI).
(leonard basilio)