MATAGAL nang pangarap ng mga taga-Navotas na magkaroon ng sariling ospital lalo na’t ang kanilang populasyon ay hindi na kukulangin sa isang milyon katao.
Dati kasi, mga health center sa 13 barangay at isang lying-in o first aid station ang pinupuntahan ng mga taga-Navotas kapag mayroon silang problemang pangkalusugan.
Pero kapag komplikado na ang sitwasyon ng pasyente, kailangan pa nilang pumunta sa mga ospital sa kalapit bayan gaya sa Tondo Medical Center, Ospital ng Malabon at Diosdado Macapagal Memorial Hospital sa Caloocan City.
Nang maging congressman si dating Mayor Toby Tiangco, ang isa sa mga naging proyekto niya ‘e ang pagpapatayo ng ospital ng lungsod.
Naisakatuparan naman at naumpisahan na nga ang konstruksiyon sa lote na pagmamay-ari ng National Grid Corporation sa Barangay San Jose sa pamamagitan ng pondo raw ni Congressman Toby Tiangco.
By the way, 9 na taon nag-mayor si Toby sa Navotas ‘e hindi pa pala nya natapos ang project na ‘yan!?
Sa kasalukuyan, anim (6) na buwan nang nakatengga at wala pa sa kalahati ang konstruksiyon ng nasabing ospital na ang rason ay naubusan daw ng pondo .
Ang pondo ay mula sa pork barrel o PDAF ni Congressman Toby na kamakailan ay ipinag-utos ng Korte Suprema na hindi naaayon sa Saligang Batas ng bansa ang ginagawang paggasta ng mga mambabatas.
Pero ang ipinagtataka ng mga taga-Navotas, bakit matetengga ang isang proyektong aprubado na ang kabuuang budget?!
Kung hindi tayo nagkakamali , mismong si Architect Jerry Magpayo, Bids and Awards Committee (BIDS) Chairman, ang nakaaalam n’yan.
Pero ang nakapagtataka, bakit mayroon na namang ‘BIDDING’ na ginanap para sa P45-million construction/completion (supply and installation of various hospital medical equipments) of Navotas City hospital loan sa Land Bank?!
Hindi ba dapat na itong imbestigahan ng Commission on Audit (COA) dahil doble-doble na rang pondong nailalan sa nasabing proyekto?!
‘E saan napunta ‘yung sinasabi ni Senator Jinggoy Estrada na sa Navotas Hospital niya inilalaan ang isang parte ng kanyang pork barrel?!
Ano ba talaga ang nangyari sa nasabing pondo? Napolitika ba ang PDAF o naibulsa kaya nakatengga ang konstruksyon ng Navotas City Hospital?!
Pakisagot na nga po Congressman Toby!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com