KINOMPIRMA ng assistant coach ng San Mig Super Coffee na si Jeffrey Cariaso na siya na ang bagong head coach ng Barangay Ginebra San Miguel.
Ito’y reaksyon sa ulat ng website ng SLAM Magazine Philippines tungkol sa bagay na ito.
Si Cariaso ay isa sa mga may-ari ng nasabing magasin sa ilalim ng kanyang kompanyang Titanomachy.
Papalitan ni Cariaso si Ato Agustin na ililipat sa San Miguel Beer samantalang ang assistant ni Agustin na si Juno Sauler ay magiging abala sa De La Salle Green Archers sa UAAP.
Katunayan, naging interim coach si Cariaso sa Game 1 ng semifinals ng PBA Commissioner’s Cup noong isang gabi kung saan natalo ang Mixers kontra Air21, 103-100, pagkatapos na patalsikin sa court ang head coach ng San Mig na si Tim Cone dulot ng dalawang technical foul.
“It felt a little bit (like preparation), with the recent events, tapos parang nagkataon na you were given opportunities. It was a good experience. Good test a little bit. Something to look forward to,” wika ni Cariaso na walang karanasan bilang coach bago siya nakuha ni Cone bilang assistant ng San Mig.
Naglaro si Cariaso para sa Alaska, Mobiline, Coca-Cola at Tanduay mula 1995 hanggang 2010 at siya’y Rookie of the Year ng PBA noong 1995.
Idinagdag ni Cariaso na sisipot siya sa ensayo ng Kings sa susunod na linggo ngunit sinigurado niya na tatapusin ang kanyang pagiging assistant coach ng San Mig hanggang sa katapusan ng Commissioner’s Cup.
“This is kinda tricky. I’ll practice (with Ginebra), but right now I’m gonna be with San Mig. We’re gonna finish this conference. We’re gunning for a third straight championship and after that I’ll look forward to my next job,” ani Cariaso. “I’m here until we’re done. I’ll be here.”
Nalungkot si Cone sa pangyayari.
“We built this B-MEG team. It’s tough losing him,” sambit ni Cone. “On the other hand, I’m very happy for him that he’s been given the oportunity to coach in the PBA and it’s special because it’s Ginebra.”
Nagdesisyon ang Ginebra na sibakin sina Agustin at Sauler pagkatapos na matalo ang Kings sa quarterfinals kontra Talk ‘n Text. (James Ty III)