NAKATATABA ng puso at sa katunayan (nakahihiya man aminin) ‘e pinamumulahan tayo ng mata dahil sa ipinadaramang malasakit, tiwala at suporta ng mga katoto/kasamahan natin na hinihikayat tayong muling tumakbo bilang Pangulo ng National Press Club (NPC).
Ang akin pong posisyon at paninidigan sa darating na eleksiyon ng NPC sa Mayo 4, 2014 ay patunay ng aking malasakit hindi lamang sa organisasyon kundi maging sa bawat indibidwal na miyembro nito.
Walang pagtatangi, walang pagmamaliit at lalong walang pag-uuri.
Naniniwala ako na ang NPC ay isang ‘social club’ para sa mga mamamahayag hindi para ‘magpataasan ng ihi’ kundi para ipadama sa bawat isa na mayroong isang organisasyon na pwede nilang makaalakbay (hihiramin ko po ang terminong ito sa hinahangaan at iginagalang nating si Ariel Borlongan) sa pagtupad ng tungkulin bilang mga mamamahayag.
Isang social club na napagsikapan nating hindi man naging pantay-pantay ay nagkaroon ng pagkakataon na magkasalamuha ang sabi nga ‘e malalaki o mga sikat at maliliit na beat reporters sa ilang mga pagkakataon o event na ginagawa natin noon sa NPC.
Pero sa ilang linggo nating pag-oobserba o pag-aaral sa mga huling pangyayari sa Club, nagpasya ang inyong lingkod na HUWAG lumahok o tumakbo sa ano mang posisyon sa darating na May 4 NPC elections.
Naniniwala po ang inyong lingkod na kahit wala tayong posisyon sa NPC ay magagampanan pa rin natin ang adbokasiyang isinusulong natin noon na sad to say ay marami ang nagsasabing hindi na nila nakikita ngayon.
Tradisyonal man ang inabutan nating aktibidad sa NPC, nakita natin kung paano nito pinagbuklod ang malalaki at maliliit na mamamahayag kahit man lang tuwing eleksiyon.
MARAMING SALAMAT sa tiwala at suporta sa ilang taon na tayo’y nanungkulan sa NPC mula sa pagiging director hanggang maging pangulo.
Naniniwala tayo na sa abot ng ating kakayahan ‘e nakapag-iwan tayo ng magandang legacy sa NPC.
Maraming salamat po sa inyong lahat.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com