PINALAGAN ni Mommy Dionisia, ang celebrated mother ni 8-division world champion Manny “Pacman” Pacquiao, ang ulat na gumamit siya ng orasyon laban kay Timothy Bradley, Jr., habang nanonood ng laban ng dalawa sa MGM, Las Vegas.
Mariin itinanggi ni Mommy D na gumamit siya ng “spell” o orasyon para matalo si Bradley.
Paliwanag ng ina ng Filipino ring icon, pawang pagrorosaryo at taimtim na panalangin lamang ang kanyang ginawa para sa kaligtasan ng anak.
“Sabi ko sa Panginoon, sana pabagsakin niya si Bradley,” ani Dionesia.
Napag-alaman, si Mommy Dionesia ay debotong Katoliko at naniniwala sa kapangyarihan ng panalangin.
“Tumatawa si Bradley sa akin. Humarap siya sa’kin, tawa nang tawa. Sabi niya, ‘No problem, mama, I need more time’,” aniya.
Bukod sa pagiging “PacMoM” may ilang netizens na rin ang nagbansag kay Mommy Dionisia bilang “Pambansang Daliri” habang ang anak ay kinikilala bilang “Pambansang Kamao.”
(KARLA OROZCO)
OLD TAX ISSUES NI PACMAN ‘DI PA RIN AYOS — BIR
HINIMOK ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Comm. Kim Henares si Filipino ring icon at Sarangani Rep. Manny Pacuiao na isama sa mga dapat unahing asikasuhin ang isyu ng buwis ngayong tapos na ang laban kay Timothy Bradley, Jr.
Sinabi ni Henares, mahirap maipon at magkapatong-patong ang tax issues, dahil mas lalong mahirap resolbahin.
Ayon kay Henares, maging ang mga lumang usapin sa buwis ng boxing superstar ay hindi pa rin naaayos.
Aniya, nakausap lang niya noon si Pacquiao at humingi siya ng paumanhin dahil sa kanilang patutsadahan, ngunit hindi pa rin naresolba ang mga pagkakamali sa tax requirements.
Ang magiging buwis sa laban ni Pacman kay Bradley ay papasok na lang sa second quarter ng 2014 lalo’t bukas na ang deadline ng pagsusumite ng income tax returns (ITR).
KUNG BAYAD SA US TAX PACMAN ‘DI NA SISINGILIN
NILINAW ni BIR Commissioner Kim Henares na wala nang babayarang buwis sa Filipinas si Manny Pacquiao kung nakapagbayad na siya ng buwis sa Amerika.
“Ipalagay na $20 million ‘yung talagang kikitain, kasi ‘yan ‘yung sinasabing guaranteed. Dapat i-report pa rin niya dito sa atin ‘yun,” pahayag ni Henares.
Ngunit ayon kay Henares, kailangan ipresenta ni Pacquiao ang sapat na papeles na magpapatunay na nagbayad na siya ng buwis sa Amerika para wala nang hahabulin ang BIR sa kanyang kinita. Dagdag ni Henares, bukod sa buwis sa kita ni Pacquiao sa katatapos na laban, sisingilin ng BIR ang local income ni Pacquiao katulad ng kinita mula sa pay-per-view ng laban.
(BETH JULIAN)