BILANG suporta sa iniaalok na ‘PATONG’ sa ulo ng killer ng katoto nating si Rubie Garcia, nagdadagdag po ang Alab ng Mamamahayag (ALAM) ng P50,000 sa alok ni Bacoor Mayor Strike Revilla (P50k) at ni Cavite Gov. Jonvic Remulla (P50K).
Kaya mayroon na pong kabuuang P150K ang PABUYA sa sino mang positibong makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon laban sa killer ni Rubie.
Maliit na pera lang po itong P50,000, pero umaasa po ang inyong lingkod na makapagbibigay ito ng lakas ng loob sa mga may ‘nalalaman’ sa nasabing kaso.
Doon sa mga gustong tumulong sa mga naulila ni Rubie, ‘e idiretso n’yo na po sa kanila ang inyong tulong.
Sa Department of Justice (DoJ) at sa Malakanyang, gusto po natin ipaabot na, kahit pab alat-bunga ‘e kailangan ng lipunan ngayon na kumilos kayo!
Kailangan ipakita ninyo na mayroon kayong adbokasiya para ipagtanggol ang ‘kalayaan sa pamamahayag’ sa bansa.
‘Yan ay inyong social obligation and responsibility bilang kinikilalang mga namumuno sa kasalukuyang pamahalaan ng lipunan natin.
Kapag hindi ninyo ginampanan ang inyong panlipunang obligasyon at responsibilidad ngayon, tiyak sa mga darating na panahon ay maa-apektohan ang ikaapat na estado sa bansa.
At hindi maihihiwalay d’yan ang ‘demokrasyang’ nais ng lahat para sa bansang ito.
Ibig natin sabihin, Mahal na Pangulo at Kgg. na Kalihim ng Katarungan, mahalagang GAMPANAN ninyo ang TUNGKULIN ninyo ngayon.
Para sa pananatili ng kapayapaan at katarungan sa bansa.
MARAMING SALAMAT DON EMILIO YAP
ANG running joke po ngayon (pasintabi) tungkol sa pagyao ng pinagpipitaganang pilantropo at tagapaglathala ng Manila Bulletin na si Don Emilio Yap ‘e ‘yung kwento na inubo lang umano ay ‘pinauwi’ na ni Lord.
Pero sa matatanda po ‘e isang senyales ‘yan na si Don Emilio ay handang-handa na sa kanyang huling paglalakbay.
Hindi po natin malilimutan ang malaking tulong ni Don Emilio Yap kaya nakaahon sa ‘utang’ ang National Press Club (NPC).
Binayaran ni Don Emilio ang utang na P1.6 milyon sa Meralco at sa MWSS may 5 taon na ang nakararaan. Dati ay binabayaran nang hulugan ng NPC ang utang na ‘yan. Maraming taon na hirap na hirap ang Club pero dahil sa tulong ni Chairman Yap ay na-update ang bayarin sa tubig at koryente (sa wakas).
Totoo pong kumikita ang NPC pero dahil sa laki ng naiwang utang sa koryente at sa tubig ay hindi pa rin sapat na bayaran kaya nga hindi makaahon-ahon ang Club noon.
Maraming-maraming salamat, Don Emilio Yap.
Alam natin na ang iyong paglalakbay ay magiging magaan dahil sasamahan ka ng sandamakmak na dalangin mula sa iyong mga natulungan.
Sa pamilya, ang aming taos-pusong pakikiramay.
MAY ALAB NG DAMDAMIN SA ‘KALAWANGING’ BRP SIERRA MADRE
TATLONG buwan nang naka-estasyon sa Ayungin Shoal ang mga sundalo ng Philippine Navy sa kalawanging hospital ship – ang BRP Sierra Madre.
Kaya nga hahatiran sila ng supplies ng barkong inarkila ng Navy pero hinarang ng Chinese vessels.
Sa mga naglalabasang larawan sa mga pahayagan at video clips sa mga telebisyon, nakita natin ang itsura ng ating mga sundalo – maaangos na dahil sa mahahabang buhok at balbas pero ang mga ngiti sa kanilang mga labi ay nagmumula sa kanilang puso.
Walang bahid na ang kanilang ngiti ay pinilit kundi kusang namutawi lalo na nang makita nilang nalusutan ng mga maghahatid sa kanila ng supplies ang dalawang malalaking Chinese Vessels.
Pero sa totoo lang, gusto po natin maiyak sa nakita nating larawan.
Mantakin ninyong ang isang paa ng mga sundalo natin ay nakaumang na sa hukay pero ang pinag-eestasyonan nila ay isang sira at kalawanging barko?!
Ang daming naging Secretary of National Defense at AFP Chief of Staff mula noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino.
Ang laki ng inilaang budget sa National Defense, pero ngayong nasasabak tayo sa laban ‘e ni wala sa kalingkingan ng China ang ating mga military warfare and hardware.
Kinakailangan pa natin magpagibik kay Uncle Sam kapag dumating ang panahon na salingin tayo ng China.
‘Yang kalawanging barko na ‘yan ‘e sinasabing indikasyon ng soberanya ng ating bansa sa Ayungin shoal.
Tsk tsk tsk…
Mukhang malapit sa katotohanan ‘yan …
‘Kinakalawang’ na nga ang ating soberanya.
Pero kahit kailan ay hindi ko tatawaran ang ‘nag-aalab na damdamin’ ng ating mga sundalo para sa bayan.
SALUDO sa mga sundalo ng Philippine Navy!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com