BILANG suporta sa iniaalok na ‘PATONG’ sa ulo ng killer ng katoto nating si Rubie Garcia, nagdadagdag po ang Alab ng Mamamahayag (ALAM) ng P50,000 sa alok ni Bacoor Mayor Strike Revilla (P50k) at ni Cavite Gov. Jonvic Remulla (P50K).
Kaya mayroon na pong kabuuang P150K ang PABUYA sa sino mang positibong makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon laban sa killer ni Rubie.
Maliit na pera lang po itong P50,000, pero umaasa po ang inyong lingkod na makapagbibigay ito ng lakas ng loob sa mga may ‘nalalaman’ sa nasabing kaso.
Doon sa mga gustong tumulong sa mga naulila ni Rubie, ‘e idiretso n’yo na po sa kanila ang inyong tulong.
Sa Department of Justice (DoJ) at sa Malakanyang, gusto po natin ipaabot na, kahit pab alat-bunga ‘e kailangan ng lipunan ngayon na kumilos kayo!
Kailangan ipakita ninyo na mayroon kayong adbokasiya para ipagtanggol ang ‘kalayaan sa pamamahayag’ sa bansa.
‘Yan ay inyong social obligation and responsibility bilang kinikilalang mga namumuno sa kasalukuyang pamahalaan ng lipunan natin.
Kapag hindi ninyo ginampanan ang inyong panlipunang obligasyon at responsibilidad ngayon, tiyak sa mga darating na panahon ay maa-apektohan ang ikaapat na estado sa bansa.
At hindi maihihiwalay d’yan ang ‘demokrasyang’ nais ng lahat para sa bansang ito.
Ibig natin sabihin, Mahal na Pangulo at Kgg. na Kalihim ng Katarungan, mahalagang GAMPANAN ninyo ang TUNGKULIN ninyo ngayon.
Para sa pananatili ng kapayapaan at katarungan sa bansa.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com