TATLONG buwan nang naka-estasyon sa Ayungin Shoal ang mga sundalo ng Philippine Navy sa kalawanging hospital ship – ang BRP Sierra Madre.
Kaya nga hahatiran sila ng supplies ng barkong inarkila ng Navy pero hinarang ng Chinese vessels.
Sa mga naglalabasang larawan sa mga pahayagan at video clips sa mga telebisyon, nakita natin ang itsura ng ating mga sundalo – maaangos na dahil sa mahahabang buhok at balbas pero ang mga ngiti sa kanilang mga labi ay nagmumula sa kanilang puso.
Walang bahid na ang kanilang ngiti ay pinilit kundi kusang namutawi lalo na nang makita nilang nalusutan ng mga maghahatid sa kanila ng supplies ang dalawang malalaking Chinese Vessels.
Pero sa totoo lang, gusto po natin maiyak sa nakita nating larawan.
Mantakin ninyong ang isang paa ng mga sundalo natin ay nakaumang na sa hukay pero ang pinag-eestasyonan nila ay isang sira at kalawanging barko?!
Ang daming naging Secretary of National Defense at AFP Chief of Staff mula noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino.
Ang laki ng inilaang budget sa National Defense, pero ngayong nasasabak tayo sa laban ‘e ni wala sa kalingkingan ng China ang ating mga military warfare and hardware.
Kinakailangan pa natin magpagibik kay Uncle Sam kapag dumating ang panahon na salingin tayo ng China.
‘Yang kalawanging barko na ‘yan ‘e sinasabing indikasyon ng soberanya ng ating bansa sa Ayungin shoal.
Tsk tsk tsk…
Mukhang malapit sa katotohanan ‘yan …
‘Kinakalawang’ na nga ang ating soberanya.
Pero kahit kailan ay hindi ko tatawaran ang ‘nag-aalab na damdamin’ ng ating mga sundalo para sa bayan.
SALUDO sa mga sundalo ng Philippine Navy!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com