SINALTO ni Mason Plumlee ang pa-dunk na si basketball superstar LeBron James upang walisin sa apat na games ng Brooklyn Nets ang two-time defending champions Miami Heat ngayong season.
Pinayuko ng Nets ang Heat, 88-77 kahapon sa nagaganap na 2013-14 National Basketball Association (NBA) regular season matapos supalpalin ni Mason ang dunk attempt ni four-time MVP James may dalawang segundo na lang sa orasan.
‘’My initial thought was to just foul and make him earn it at the free-throw line,’’ saad ni Plumlee.
Umangal si James at ang Miami bench dahil hindi tumawag ng foul ang mga referees.
‘’He grabbed my right hand,’’ ani Heat star player James na tumikada ng 29 points, 10 rebounds at anim na assists. ‘’He didn’t do it on purpose, but he got my right hand.’’
Abante ng isang puntos ang Nets at papaubos na ang oras, nakuha ni Heat forward Rashard Lewis at ipinasa kay James na sasalaksak kung saan sinabayan naman siya ni Plumlee.
Sa instant replay, nakita na may contact si Nets Joe Johnson kay James nang magsimulang umatake ito habang natamaan ni Plumlee ang kamay ng pambato ng Heat ng mag-dunk ito.
Ayon kay Heat coach Erik Spoelstra: ‘’It was a foul from my vantage point. But what can you do?’’
Si Johnson ang nanguna sa opensa para sa Nets na may tinikadang 19 puntos habang 16 puntos ang kinana ni Marcus Thornton upang ilista ang 43-34 win-loss slate at manatiling nasa pang-limang puwesto sa Eastern Conference.
Samantala, nasa unahan pa rin ng EC ang Heat tangan ang 53-24 record.
Sa ibang NBA resulta, pinaluhod ng Oklahoma City Thunder ang Sacramento Kings, 107-92 habang sinilat ng Minnesota Timberwolves ang San Antonio Spurs, 110-91.
(ARABELA PRINCESS DAWA)