NANINIWALA tayo na ano mang araw sa linggong ito ay lalabas na ang resulta ng imbestigasyon na iniutos ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Jose Angel “Bodet” Honrado laban sa isang manning agency na umano’y nanloloko ng mga estudyante para makapag-on-the-job training (OJT) sa premier airport ng bansa.
Ayon kay MIAA GM Honrado, inatasan niya ang airport police na imbestigahan ang umano’y pangingikil ng P7,000 hanggang P15,000 sa mga estudyanteng nais mag-OJT sa NAIA.
Aniya ang mga estudyante ay mayroong rekesitos sa kanilang paaralan na sumailalim sa OJT sa loob ng 200 hanggang 600 oras sa alinmang airline company sa NAIA.
At d’yan pumasok sa utak ng mga ‘walanghiya’ na pagkakwartahan ang mga estudyanteng ‘kapit sa patalim.’
Karamihan sa mga estudyanteng na-o-OJT ay nasa kanilang third o fourth year sa college. Bukod sa thesis, isa sa major requirements ang OJT para sila maka-graduate. Kumbaga nasa sitwasyon sila na ‘kapit sa patalim.’ Lahat ay gagawin para lang maka-graduate.
Mabuti na lamang at natuklasan ito ng administrasyon ni MIAA GM Bodet Honrado. Malamang, matagal nang nangyayari ito hanggang maging talamak na nga.
Habang isinasagawa ang imbestigasyon, iniutos ni GM Honrado ang pagpapatigil sa deployment ng 200 estudyante para sa summer OJT.
Ani GM Honrado, inihahanda na ng airport authorities ang mga kaso laban sa mga may pakana ng nasabing panloloko upang matigil na ang pambibiktima sa mga inosenteng estudyante.
“Yes, we accept student trainees but they do not need to pay a single centavo,” diin pa ni Honrado.
Nasudsod ng mga tauhan ni Honrado ang nasabing panloloko sa isang manning agency sa Ermita, Maynila.
Kinompirma ng mga estudyante na sila ay nagbabayad ng P7,000 hanggang P15,000 depende sa haba ng oras na kailangan nila sa kanilang OJT.
Karamihan umano ng mga nabibiktimang mga estudyante ay mula sa Visayas at Mindanao.
Binubusisi na rin ni GM Honrado ang posibilidad na mayroong nakikipagsabwatan sa airport human resources department sa nasabing pribadong kompanya.
Another bad scheme in the Airport, bites the dust.
Kudos, GM Honrado!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com