LAGUNA – Sinampahan ng kasong child trafficking ang 46-anyos Italian Turkmenistan Ambassador ng pamunuan ng Bantay Tuluyan Foundation sa Biñan City PNP kamakalawa ng gabi.
Sa isinumiteng report ni Supt. Noel Alinio, hepe ng pulisya, kay Laguna PNP Provincial director, Senior Supt. Romulo Sapitula, kinilala ang suspek na si Daniele Bosio, Ministry of Foreign Affairs Turkmenistan 1st Councilor, pansamantalang naninirahan sa 30B Tower 1, Orchard Road, Eastwood City, Manila.
Sa imbestigasyon, dakong 8 p.m. nang magtungo sa himpilan ng pulisya ang pamunuan ng Bantay Tuluyan Foundation na sina Catherine Scerri at Lily Flordelis kaugnay ng paghahain ng kaso laban kay Bosio.
Sinasabing mula sa lungsod ng Maynila, tinangay ng suspek patungo ng Splash Island Resort sa lalawigan ng Laguna ang tatlong batang lalaki na may edad 9, 10, 12, anyos na hinihinalang magkakasunod na inabuso lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 ang Italian envoy.
Samantala, patuloy na nakikipag-ugnayan ang Italian government sa pamahalaan ng Filipinas kaugnay sa pagkakaaresto kay Daniele Bosio. Ayon sa report, nagbabakasyon sa bansa ang Italian diplomat nang arestohin ng local authorities dahil sa kasong child exploitation.
Kaugnay nito, beni-beripika na ng Department of Foreign Affairs ang nasabing report.
ni BOY PALATINO