SA PANAHON na sinasabing namamayani ang demokrasya sa bansa, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno ‘Ninoy’ Aquino III, anak ng icon of democracy na si dating Pangulong Corazon Aquino at dating mamamahayag na naging politiko na si Sen. Benigno ‘Ninoy’ Aquino, Jr., saka naman maraming mamamahayag ang pinapaslang.
Kahapon, ang lider ng mga mamamahayag sa Cavite na si Ruby Garcia, 52, ay pinasok ng tatlong suspek, inilarawang mga kabataan, sa loob ng kanyang bahay saka binaril nang maraming beses.
Limang bala ng kalibre .38 ang pumasok sa iba’t ibang bahagi ng katawan ni Ruby.
Ayon sa mga nakasaksi, ang limang bala ay tila pinili ni Ruby na sa kanya na lang bumaon kaysa tamaan ang kanyang apo.
Habang itinatakbo sa ospital si Ruby, paulit-ulit niyang sinasabi kung sino ang posibleng (suspect) nagpabaril sa kanya.
Si Ruby ay walang ano mang sandata na makapananakit sa mga taong gusto siyang saktan.
Ang tanging ‘armas’ ni Ruby bilang isang mamamahayag ay ang kanyang pagkapit sa katotohanan na totoo ang kanyang mga ibinabalita.
At ikalawa, ang tapang at lakas ng loob na ibinabaluti sa kanya ng katotohanang ito.
Bago maganap ang pamamaslang kay Ruby, sinabing isang PNP official (Kernel) sa Cavite ang kanyang nakasagutan. At ‘yan rin ang paulit-ulit niyang sinasabi na pwede umanong magpabaril sa kanya habang sinusugod siya sa ospital.
Nalulungkot tayo na sa panahon ng electronic world na napakabukas ng komunikasyon sa multi-media ay mayroong mga tao na ipinagtatanggol ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-upa ng mga taong pwede nilang utusan para pumatay.
Sa nakapanghihilakbot na pangyayaring ito, alam natin na mayroong ilang mamamahayag ang naalarma, pero mas nakatitiyak tayo na mas maraming mamamahayag ang magpapatuloy ng kanilang gawain para sa katotohanan.
Panahon na para tunay na wakasan ni PNoy ang walang kawenta-kwentang pamamaslang sa mga mamamahayag.
Stop killing journalists!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com