ni Maricris Valdez Nicasio
VERY positive si Ms. Joann Banaga, TV5 Production Unit Head, na magiging maganda ang outcome ng pinakabago nilang handog sa publiko, ang weight comedy na Beki Boxer na pinagbibidahan ni Alwyn Uytingco.Ayon pa kay Ms. Joann, ‘di ordinaryong comedy and Beki Boxer dahil ito ay comedy na may puso.
“Kasaysayan kasi ito ng isang taong mapagmahal sa pamilya. Tulad nating mga Filipino, tiyak akong makare-relate ang sino man dahil walang importante sa ating lahat kundi ang ating pamilya,” paliwanag ni Ms. Joann sa presscon ng Beki Boxer na isinagawa sa Oasis.
Ang pamilya nga naman ang nagpapasaya sa ating lahat.
Ipinagmamalaki rin ni Ms. Joan ang series na ito dahil bukod sa maganda ang istorya at magagaling ang mga artistang nagsisiganap, nagustuhan din agad ito ng management. Kaya naman ang unang planong once a week na pagpapalabas nito’y naging araw-araw na na magsisimulang matunghayan sa March 31, Lunes.
Malaking pasabog nga ang dala ng TV5 sa pagtatapos ng Marso sa pagbubukas ng pinakabagong primetime series na Beki Boxer. Patutunayan ng Beki Boxer na hindi hadlang ang estado sa buhay, kasarian, at maging ang sexual orientation ng isang tao sa pagtupad ng mga pangarap at mithiin sa buhay.
Malaking break din ang na-jombag ng Kapatid actor na si Alwyn na siyang gaganap sa title role ng maaksiyong comedy series na tiyak din namang aantig sa puso ng mga manonood.
Makakasama ni Alwyn sa Beki Boxer si na Christian Vasquez, Candy Pangilinan, Cholo Barretto, Onyok Velasco, Joross Gamboa, John Regala, Claire Hartell, Kristel Moreno, Danita Paner at si Vin Abrenica na gaganap bilang si Atong, ang love interest ni Rocky.
Mapapanood ang Beki Boxer simula Lunes, March 31, 7:00 p.m. sa TV5.