UPANG mapunuan ng gobyerno ang kakulangan sa benepisyo ng mga beterano at retiradong sundalo, isinulong ni Senador Antonio ”Sonny” F. Trillanes ang pagpasa ng Senate Bill No. 166, naglalayong maglaan ng pondo upang agarang mabayaran ng gobyerno ang mga kakulangan sa pensyon at benepisyo ng mga beterano.
Sa pagdinig ng Committee on National Defense and Security, sinabi ng chairman nito na si Trillanes, ”ang Republic Act No. 7696 ay isinabatas bilang pagkilala sa mahalagang papel na ginampanan ng mga beterano sa digmaan at ng mga retiradong militar sa pagprotekta sa bansa. Gayunman, ang ilan sa kanila ay namatay nang hindi napakikinabangan ang mga benepisyo dahil sa kakulangan ng pondo mula sa gobyerno sapagkat hindi nakasaad sa batas ang pagkukunan ng pondo”.
Dagdag pa ni Trillanes, ang gobyerno ay naglaan ng P170 milyon noong 2010 at P2.9 bilyon noong 2013 para sa pagbabayad ng Total Administrative Disability Pension ng mga beterano noong World War II, na may edad 80 pataas. Gayunpaman, hindi saklaw ng nasabing appropriations ang lahat ng mga beterano, at hindi rin sapat ang halaga nito upang matugunan ang kabuuang obligasyon ng pamahalaan.
Sa ilalim ng SBN 166, ang nasabing kakulangan ay babayaran mula sa kita ng gobyerno mula sa mga ari-arian nito. Sa ilalim ng nasabing sistema, hindi na kakailanganing galawin ng pamahalaan ang taunang pambansang badyet upang tuparin ang konstitusyonal na mandato nito na maglaan nang sapat na benepisyo para sa mga beterano. (NIÑO ACLAN/
CYNTHIA MARTIN)