GINAWANG ‘escape goat’ ng Palasyo ang nagdaang mga kalamidad sa paglobo ng bilang ng mga walang trabaho sa bansa.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., palalakasin ng administrasyong Aquino ang programang lilikha ng trabaho lalo na sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, tumaas ng 7.5 percent ang unemployment rate noong Enero 2014 na katumbas ng halos 3 milyong Filipino.
Mas mataas ito ng 0.4 percent kompara sa naitalang 7.1 percent noong nakalipas na taon.
“Government strategies will be as follows: 1. Promote employment opportunities in places of refuge. We will take note that those mislocated were part of a migration wave from places of calamity to places of refuge, or to the towns and provinces adjacent to the disaster areas; and 2. To facilitate employability by assisting job applicants in reconstructing pre-employment documents. Sa dami po ng nasalanta, nahihirapan din silang mag-produce ng mga normal na hinihingi ng mga employer na dokumento—mga transcript of records, ‘yung mga birth certificate, and so on,” paliwanag ng Kalihim.
Sabi pa ni Coloma, normal din ang pagtaas ng unemployment rate taon-taon tuwing Marso bunsod ng karagdagang work force mula sa mga nagtapos ng kolehiyo.
Matatandaan, noong nakalipas na buwan, idinahilan din ng Palasyo ang nagdaang mga kalamidad sa naging resulta ng Social Weather Station (SWS) survey na tumaas ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa sa pagtatapos ng 2013.
(ROSE NOVENARIO)