“GUSTO ko mabulok siya sa kulungan!”
Pahayag ng 15-anyos dalagita, na kinilala sa alyas na Maribeth, nang dumulog sa Taguig City police, na inireklamo ang sariling amang si Daniel, na gumahasa sa kanya simula noong 2012.
Sa pahayag ng dalagita kay PO3 Magdalena Palacsa, imbestigador ng Women & Children’s Protection Desk, 13-anyos pa lamang siya nang una siyang gahasain ng kanyang ama, Abril 2012.
Naulit umano ang panghahalay buwan ng Mayo 2013, at hindi umano siya makapagsumbong sa kanyang ina dahil sa banta ng suspek na papatayin ang kanilang buong pamilya.
Dahil sa banta, nanahimik na lamang umano ang dalagita na inakalang hindi na uulitin ng ama ang panghahalay sa kanya.
Taliwas sa kanyang inaasahan, muli siyang pinagsamantalahan ng ama nitong nakaraang linggo.
Nakakulong na ang amang manyakis sa detention cell ng Taguig city police. (JAJA GARCIA)